McGregor magbabalik sa UFC 229 sa Oktubre 6
LOS ANGELES — Magbabalik ang kontrobersyal na si Conor McGregor sa mixed martial arts sa Oktubre 6 sa Las Vegas, Nevada para sa isang championship bout laban kay UFC lightweight champion Khabib Nurmagomedov.
Ito ang inihayag ng UFC kahapon kasama ang isang promotional video para sa isang news conference.
“The fight is done,” sabi ni UFC president Dana White sa pagsalang ni McGregor.
Magkasabay na isinuot ni McGregor (21-3) ang mga featherweight at lightweight belts sa kanyang makulay na UFC career.
Hindi pa siya lumalaban sapul nang agawin ang 155-pound lightweight belt mula kay Eddie Alvarez noong Nobyembre ng 2016.
Nabigo ang Irishman sa kanyang unang professional boxing match laban kay Floyd Mayweather, Jr. noong Agosto 2017.
Tinanggal naman kay McGregor ang kanyang hawak na UFC lightweight title na napasakamay ni Nurmagomedov (26-0) noong Abril.
Magtutuos sina McGregor at Nurmagomedov sa main event ng UFC 229 pay-per-view show sa T-Mobile Arena, ang parehong venue kung saan tinalo ni Mayweather si McGregor via 10th-round TKO win.
- Latest