Love posibleng hindi maglaro sa Game One ng serye
CLEVELAND — Mananatili si Cavaliers All-Star forward Kevin Love sa concussion protocol at wala pang katiyakan kung makakalaro siya sa Game One ng NBA Finals laban sa karibal na Golden State Warriors.
Ito ang ibinalita ni Cleveland coach Tyronn Lue bago sila umalis patungong San Francisco para sa kanilang series opener ng Golden State bukas (Manila time).
Hindi nakalaro si Love sa Game Seven ng Eastern Conference finals sa Boston matapos makabanggaan ng ulo si Celtics rookie Jayson Tatum sa Game Six.
Si Jeff Green ang sumalo sa naiwang trabaho ni Love sa Game Seven at tumapos na may 19 points at 8 rebounds sa 87-79 pagsibak ng Cavaliers sa Celtics.
Samantala, naghahanap naman si Warriors injured forward Andre Iguodala ng paraan para makabalik mula sa isang leg injury.
Hindi nakita sa aksyon si Iguodala sa huling apat na laro ng Western Conference finals kung saan sinibak ng Golden State ang Houston Rockets, 4-3.
- Latest