4 Pinoy boxers lalaban sa gold
MANILA, Philippines — Mataas pa rin ang lipad ng bandila ng Pilipinas nang umusad sa finals ang apat na Pinoy boxers sa 2018 Kons-tantin Korotkov International Memorial Boxing Tournament na ginaganap sa Khabarovsk, Russia.
Pinakamatikas si Southeast Asian Games champion Eumir Felix Marcial nang magtala ito ng second round technical knockout win laban kay Dmitriy Nesteroiv ng Russia sa semifinals ng men’s middleweight (75 kg.).
Nakasiguro ng opening-round bye si Marcial bago talunin si Erik Mendoza ng Sweden sa quarterfinals sa pamamagitan ng 5-0 unanimous decision win (30-26, 30-27, 30-27, 3-27, 30-26).
Makakalaban ni Marcial sa gold-medal match ang mananalo kina Yuito Moriwaki ng Japan at Arman Darchinyan ng Armenia.
Humirit din ng tiket sa finals sina James Palicte, Carlo Paalam at Women’s World Championship silver medalist Nesthy Petecio matapos magtala ng pukpukang panalo sa kani-kaniyang dibisyon.
Nailusot ni Palicte ang 3-2 split decision win laban kay at Darkhan Zhumsakbaev ng Kazakhstan sa men’s lightweight-60 kg. habang nanalo rin si Paalam kay Kim Jang Ryong ng North Korea via 3-2 split decision sa men’s light flyweight (46-49 kg.).
Susuntok ng gintong medalya si Palicte kontra sa mananalo kina Choe Chol Man ng North Korea at Arashi Morisaka ng Japan samantalang nag-aabang si Paalam sa mananaig kina Shin Jonghun ng South Korea at Mirlan Turkbay-uulu ng Kyrgyzstan.
Patuloy ang magandang ratsada ni Petecio sa wo-men’s 57 kg. category nang ilampaso nito si Yin Junhua ng China sa bisa ng 5-0 unanimous decision.
- Latest