Aces ipinatikim angunang talo ng Texters
MANILA, Philippines — Walang humpay na depensa ang ipinalasap ng Alaska para mantsahan ang dating imakuladang record ng TNT Katropa.
Nagtayo ng 18-point lead sa second period, binalasa ng Aces ang Tropang Texters, 110-100, sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Binanderahan ni Vic Manuel ang ikatlong sunod na ratsada ng Alaska mula sa kanyang career-high na 29 points, tampok ang 12-of-18 fieldgoal shooting.
Nag-ambag si import Antonio Campbell ng 23 points at 20 boards kasunod ang 10 at 9 markers nina JVee Casio at Calvin Abueva, ayon sa pagkakasunod.
“To force some misses and take some shots away was very good,” sabi ni Alaska coach Alex Compton sa kabuuang 37-of-95 fieldgoal shooting ng TNT Katropa.
Unang natalo ang Aces sa Rain or Shine Elasto Painters, 103-109, noong Abril 27 bago tinalo ang Blackwater Elite, 93-74, at dinurog ang Columbian Dyip, 134-103.
Dahil dito ay nagkaroon ng four-way tie para sa liderato sa magkakatulad na 3-1 baraha ng Alaska, TNT Katropa, Rain or Shine at Meralco.
“Ginagawa ko lang talaga ‘yung best ko, kung ano ‘yung maitutulong ko sa team,” sabi ni Manuel.
Itinayo ng Aces ang 10-point lead, 28-18, sa first period hanggang kunin ang 18-point advantage, 59-41, mula sa dalawang free throws ni Manuel sa huling 14.5 segundo ng second quarter.
Ang three-point shot ni Kevin Racal sa pagbubukas ng third period ang nagbaon sa Tropang Texters sa 62-43.
Binanderahan ni Jayson Castro ang TNT Katropa mula sa kanyang 18 points kasunod ang 17, 16, 15 at 10 markers nina Terrence Romeo, import Jeremy Tyler, Troy Rosario at Cruz, ayon sa pagkakasunod.
Tumapos si Castro na may malamyang 5-of-13 shooting.
Kasalukuyan pang naglalaro ang San Miguel at Rain or Shine habang isinusulat ito.
ALASKA 110 - Manuel 29, Campbell 23, Casio 10, Abueva 9, Banchero 8, Racal 8, Enciso 7, Magat 7, Thoss 5, Teng 4, Baclao 0, Exciminiano 0, Potts 0.
TNT Katropa 100 - Castro 18, Romeo 17, Tyler 16, Rosario 15, Cruz 10, Pogoy 9, Semerad 5, Trollano 5, Reyes 3, Paredes 2, Golla 0, Carey 0, Garcia 0, Saitanan 0.
Quarterscores: 34-26; 59-43; 85-67; 110-100.
- Latest