PBA Press Corps Player of the Week
MANILA, Philippines — Ang import ng TNT Katropa ay si Jeremy Tyler, ngunit nahigitan pa ni veteran guard Jayson Castro ang kanilang reinforcement sa paghahatid sa kanyang koponan sa panalo.
Humugot si Castro ng 8 points sa third period at nagsalpak ng magkasunod na three-point shots sa fourth quarter para tulungan ang Tropang Texters na talunin ang Ginebra Gin Kings, 96-92 sa 2018 PBA Commissioner’s Cup noong nakaraang Linggo.
Nalimitahan naman si Tyler sa 2 points.
Dahil sa kanyang kabayanihan ay hinirang si Castro bilang PBA Press Corps Player of the Week.
Tumapos si Castro na may 27 points, 5 assists, 3 steals at 1 rebound para sa pangatlong sunod na panalo ng TNT Katropa.
Tinalo ng Gilas Pilipinas mainstay para sa weekly citation sina Stanley Pringle at Sean Anthony ng Globalport, Jay Washington ng Rain or Shine, Vic Manuel ng Alaska, Chris Newsome at Mike Tolomia ng Meralco at Matthew Wright at Willie Wilson ng Phoenix.
Bumabandera ang Tropang Texters sa likod ng kanilang 3-0 kartada.
Susunod na lalabanan ng TNT Katropa ay ang Alaska sa May 13 sa Ynares Center sa Antipolo City.
- Latest