Aces dinurog ang Dyip
MANILA, Philippines – Sa pagsasara ng third period ay nakaiskor na ang Alaska ng 106 points.
Ipinakita ng Aces ang kanilang lakas matapos durugin ang Columbian Dyip, 134-103 sa debut game ng bagong import na si Bailey John Fields III sa 2018 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
“It was one of the games that shots went in,” sabi ni Alaska head coach Alex Compton. “We blew it in the second quarter. That was the game.”
Tumapos si power forward Vic Manuel na may 26 points mula sa kanyang 12-of-17 fieldgoal shooting bukod pa sa 4 rebounds.
“Pinu-push ko lang ‘yung sarili ko every practice. Maganda naman ‘yung result. Nakakapag-laro ako ng maayos at nakakatulong ako sa team,” sabi ni Manuel.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Alaska sa tatlong laro matapos talunin ang Blackwater, 93-74, noong nakaraang Linggo habang nadiskaril ang hangad na back-to-back wins ng Columbian para sa kanilang 2-2 baraha.
Matapos kunin ang three-point lead, 31-28, sa pagtatapos ng first period ay umarangkada ang Aces sa second quarter kung saan sila naghulog ng 19-4 bomba sa pa-ngunguna nina Manuel at import Antonio Campbell para iwanan ang Dyip sa 50-32 sa 5:54 minuto nito.
Tuluyan nang ibinaon ng Alaska ang Columbian sa halftime bitbit ang 73-37 kalamangan sa likod ng 20 points ni Manuel at 18 markers at 12 rebounds ni Campbell.
Humakot si Fields, pumalit kay CJ Aiken, ng 39 points.
- Latest