Dela Hoya darating kasama ni Matthysse
MANILA, Philippines — Inaasahang darating sa Pilipinas si Oscar De La Hoya ng Golden Boy Promotions sa Abril 18-19 para sa press conference ng bakbakan nina Manny Pacquiao at Argentinian star Lucas Matthysse.
Nauna nang kinumpirma ni De La Hoya ang suntukan nina Pacquiao (59-7-2, 38 KOs) at Matthysse (39-4-0, 36 KOs) sa Hulyo 15 sa 16,000-seater na Axiata Arena sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Ang MP Promotions ni Pacquiao ang ma-ngunguna sa pagdaraos ng tinaguriang “Fight of Champions” na tatampukan ng apat na world title matches habang ang Top Rank Promotions ni Bob Arum ang mamahala sa TV distribution sa US, Canada at Puerto Rico.
Puntirya ng 39-an-yos na si Pacquiao na maagaw sa 35-anyos na si Matthysse ang suot nitong World Boxing Association welterweight belt.
Nakuha ni Matthysse ang bakanteng WBA title via eighth-round knockout win laban kay Teerachai Kratingdaeng ng Thailand sa The Forum sa Inglewood, California noong Enero.
Ang kababatang si Buboy Fernandez ang tatayong bagong trainer ng Filipino world eight-division champion at hindi na si Hall of Fame trainer Freddie Roach.
Ang 65-anyos na si Roach ang nasa corner ni Pacquiao nang matalo ang Filipino boxing icon kay Jeff Horn noong Hul-yo ng nakaraang taon sa Brisbane, Australia.
Sa naturang unanimous decision loss ay naisuko ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization welterweight crown sa 29-anyos na Australian school teacher.
Samantala, magbabalik si Australian strength and conditioning coach Justin Fortune para bantayan ang kondisyon ni Pacquiao. (RC)
- Latest