Batang Gilas sasagupa sa Australia sa FIBA U-16
MANILA, Philippines — Makikilatis ang tikas ng Batang Gilas Pilipinas kontra sa bigating Australia sa 2018 FIBA Asia Under-16 Championship sa Foshan Lingnan Mingzhu Gymnasium sa China.
Nakatakda ang sagupaan ngayong alas-11 ng umaga kung saan tatangkain ng Batang Gilas (1-0) na silatin ang Australia (1-0) para wakasan ang eliminasyon sa tagumpay.
Bagama’t pareho nang pasok sa knockout quarterfinals ay hangad ng dalawang koponan na masolo ang liderato sa Group B.
Ngunit hindi magiging madali ang misyon para sa Batang Gilas dahil kailangan nilang magpamalas ng perpektong laro para magkaroon ng tsansang magapi ang mga Aussies.
Tinalo ng Pilipinas at Australia ang Malaysia.
Nahirapan ang Batang Gilas sa pagtatala ng 62-57 panalo, habang ibinaon ng Australia ang Malaysia, 110-47.
Malaking responsibilidad ang nakaatang sa mga balikat ng 7-foot-1 na si Kai Sotto para pangunahan ang atake ng Batang Gilas.
Nagposte si Sotto ng 12 points, 16 rebounds at 4 blocks kontra sa Malaysia.
Susuporta sina Terrence Fortea at Raven Cortez na nagtala ng pinagsamang 27 points at 21 boards. (ADimasalang)
- Latest