Kahit may iniindang sakit sa likod Roach ipinagpapatuloy ang pagsasanay kay Pacquiao
MANILA, Philippines – Hindi lamang si Manny Pacquiao ang nahihirapan sa kanyang training kundi maging si chief trainer Freddie Roach.
Lingid sa kaalaman ng nakakarami, patuloy na pinamamahalaan ni Roach ang pag-eensayo ni Pacquiao bagama’t kumikirot ang kanyang likod.
Ito ay bukod pa sa kanyang Parkinson’s Disease na kanyang nakuha matapos ang boxing career niya.
“It’s holding up OK, it’s a lot of bad luck,” sabi ng 55-anyos na Hall of Fame trainer sa kanyang nararamdaman.
“But it’s a pinched nerve and my nervous system is getting a little clogged up, right now. I have a problem with my C-5 and I have a problem with my neck with two bulges and two pinched nerves up there but it doesn’t slow me down,” dagdag pa nito.
Sa kabila nito, si Roach pa rin ang nangangasiwa sa paghahanda ng Filipino world eight-division champion sa laban nito kay Floyd Mayweather, Jr. sa Mayo 2 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sinabi ni Roach na siya pa rin ang gumagabay kay Pacquiao sa loob ng boxing ring sa kanilang ensayo.
Ang ipinaalala lamang niya kay ‘Pacman’ ay huwag siya nitong tamaan ng suntok sa mukha.
“The only rule that I changed is I’m not going to let anyone hit me in the face anymore because that’s just too much for me,” ani Roach.
Katuwang ni Roach para sa training camp ni Pacquiao sina trainer Buboy Fernandez at strength and conditiong coach Justin Fortune.
Matapos ang laban ni Pacquiao kay Mayweather ay igigiya naman ni Roach si Miguel Cotto para sa laban nito sa Hunyo.
“He’s got a fight coming up and hopefully he’ll get a big fight in September,” wika ni Roach. “So I’m excited.”
- Latest