Hiyasmin (297)
“KUNG nasaan man si Rashid ngayon, tiyak na masaya siya dahil nagkita na tayo, Hiyasmin,’’ sabi ni Mary at niyakap nang mahigpit si Hiyasmin.
Umagos naman ang masaganang luha sa pisngi ni Hiyasmin.
Muling nagkuwento si Mary ukol sa kapatid na si Rashid.
“Hindi naman talaga balak takasan ni Rashid ang mama mo, Hiyasmin. Nagkataon lamang na takot siya sa aming mga magulang. Ang bawat sabihin ng aming mga magulang ay batas na dapat sundin.
“Sa kaso ni Rashid, tinakot siya ng aking mga magulang na mawawalan ng mana kapag ipinagpatuloy ang relasyon kay Lira. Dahil buntis na nga si Lira, puwersahang dinala si Rashid sa aming kamag-anak sa malayong lugar. Masama ang loob ni Rashid. Laban iyon sa kalooban niya. Pero wala siyang magawa dahil sa matinding takot sa aming mga magulang.
“Pero sa madalas naming pag-uusap ni Rashid, naipagtapat niya na gusto niyang sundan si Lira sa Pilipinas. Kahit daw wala siyang manahin ay okey lang sa kanya. Ang mahalaga, masundan niya si Lira at mabigyan ng pangalan ang pinagbubuntis nito. Pero natuklasan ng aming mga magulang ang balak. Pinabantayan nang husto si Rashid.
“Makalipas ang ilang taon saka lamang nakabalik si Rashid sa aming tahanan —pero may malaking pagbabago na sa kanya. Parang nawawala siya sa sarili.”
Itutuloy
- Latest