Hiyasmin (295)
“ALAM mo bang patay na ang iyong father, Hiyasmin?’’ tanong ni Mary Underwood.”
“Opo. Isang kaibigan po ni Mama ang nagkuwento. Dati rin pong domestic helper sa Kuwait ang kaibigan ni Mama. Ikinuwento po ang mga nangyari kay Papa.”
“Mabuti naman at may nalalaman kayo ng mama mo sa nangyari kay Rashid. Kapag naaalala ko ang father mo, umiiyak talaga ako. Sumasakit ang kalooban ko. Hindi ko akalain na mangyayari ang trahedya.”
“Na-shock din po si Mama sa nangyari kay Papa. Labis siyang nalungkot sa nangyari at naisip ang nakaraan nila ni Papa.”
“Kumusta naman si Lira —ang mother mo Hiyasmin?”
“Dumaan din po sa maraming pagsubok si Mama mula nang umuwi galing sa Kuwait. Makaraang isilang ako ay nagtrabaho siya para ako maigapang at mabuhay nang maayos. Napakarami pong dinanas niyang hirap at pasakit. Nagkaasawa siya pero lalong naging mahirap ang kalagayan. Ako naman po ay nakatapos ng pag-aaral dahil sa sariling pagsisikap. Nagtrabaho po ako sa murang gulang para makapag-aral. Sa awa ng Diyos ay nakatapos ako ng kolehiyo at sa kasalukuyan at may magandang trabaho. Mayroon na po akong asawa. Masuwerte po ako at napakabait at responsible ang aking asawa.”
Hindi makapagsalita si Mary sa mga kinuwento ni Hiyasmin. Bakas sa mukha nito ang paghanga kay Hiyasmin at kay Lira. Sa kabila na hindi pinanagutan ng kapatid na si Rashid ang responsibilidad ay nabuhay nang maayos.
“Hanga ako sa inyong mag-ina, Hiyasmin. Nakakabilib ang mga katulad ninyo na marunong lumaban sa hamon ng buhay. Kung buhay siguro ang aking kapatid na si Rashid, tiyak na matutuwa siya.”
“Wish ko na magkita kayo ni Mama, Tita. Sabi ni Mama, napakabait mo raw talaga.”
“Balak kong bumisita sa Pilipinas, Hiyasmin. Maaring sa susunod na taon. Gusto ko ring makita si Lira. Hindi ko siya makakalimutan dahil siya ang nagturo sa akin at kay Rashid na magsalita ng Tagalog. Dahil sa kanya kaya ako naging mahusay sa pagsasalita ng Tagalog.”
(Itutuloy)
- Latest