Hiyasmin (294)
HINDI agad nakapagsalita si Mary Underwood nang makita ang retrato ng ama ni Hiyasmin na nasa cell phone. Matagal na tinitigan ang photo. Kinikilalang mabuti.
Pagkatapos ay tumingin kay Hiyasmin. Walang kurap.
“Bakit po Tita? May nasabi ba akong mali?”
Umiling si Mary.
Pagkatapos ay tumingin muli sa photo sa cell phone. Pinagmasdang mabuti. Napatangu-tango.
“Hindi ako maaaring magkamali,’’ sabi nito.
“Ano pong ibig mong sabihin, Tita?”
Sa halip na sumagot sa tanong ni Hiyasmin, kinuha nito sa bag ang itim na lalagyan ng mga ID, credit cards, driver’s license at iba pa. Kinuha ang isang lumang picture.
Ipinakita kay Hiyasmin.
Gulat na gulat si Hiyasmin nang makita ang picture—ang picture ng kanyang ama. Katulad na katulad ng picture na ipinakita niya kay Mary Underwood.
Napaiyak si Hiyasmin.
“Siya ang father ko, Tita! Siya po!” sabi ni Hiyasmin sabay bunghalit ng iyak. Nakalog ang balikat. Wala nang pakialam sa paligid kahit makita ang kanyang pag-iyak.
Niyakap siya ni Mary.
“Siya ang kapatid kong si Rashid al-Shammari. Ikaw nga ang anak niya, Hiyasmin. Napakaliit talaga ng mundo, Hiyasmin. Kaya pala ang gaan ng loob ko sa iyo. Alam mo bang matagal ko na kayong hinahanap ng iyong ina na si Lira. Nagdarasal ako sa Diyos na sana ay matagpuan ko kayo. Alam mo bang mayroong mahalagang iniwan sa inyong mag-ina ang kapatid kong si Rashid? Bago siya namatay, mayroon siyang ipinakiusap sa akin.”
Lalong umiyak si Hiyasmin.
(Itutuloy)
- Latest