Hiyasmin (284)
“TRY mo uli na malapitan at makausap si Mary Underwood, Love. Huwag kang susuko,’’ sabi ni Dax habang nagbi-video call ang mag-asawa.
“Last day na ng pagsasalita niya bukas, Love.”
“Dapat lang na pagsikapan mong makalapit sa kanya. Huwag mong palalampasin ang pagkakataon. Gumawa ka ng paraan. Alam kong mahusay kang gumawa ng paraan.”
“Pag-iisipan ko ang gagawin Love,’’ sabi ni Hiyasmin.
“Iniisip ko na abangan siya sa lobby ng hotel. Naobserbahan ko dumarating siya twenty minutes bago magsalita. Kung aabangan ko siya sa lobby, wala akong magiging kaagaw di ba?”
“Tama, Love. Sige gawin mo. Ipagdarasal ko na makausap at maka-selfie mo si Mary Underwood.”
“Excited akong makausap siya, Love. Gustung-gusto kong makaharap siya nang malapitan,’’ sabi ni Hiyasmin na bakas sa boses ang excitement.
“Palagay ko naglilihi ka na nga Love,’’ sabing nakangiti ni Dax.
“How I wish, Love. Sana nga nagdadalantao na ako. Gusto ko magka-baby na tayo.”
“Kutob ko naglilihi ka at pinaglilihihan mo si Mary Underwood.”
“Aba kung tama ang kutob mo, napakaganda ng magiging anak natin kung babae at guwapo naman kung lalaki. Napakaganda kasi ni Mary Underwood.”
“Kasingganda mo, Love?”
“Medyo, ha-ha-ha!”
“Sige Love, matulog ka na para handa ka bukas sa pakikipag-meet kay Mary.”
Natapos ang video call nila.
KINABUKASAN, maagang gumising si Hiyasmin. Gagawin niya ang plano—aabangan niya sa lobby si Mary Underwood.
Alas siyete pa lamang ng umaga ay bumaba na siya. Mas maganda na mauna siya para hindi makalampas ang pagdaan ni Mary Underwood.
Nagtungo muna siya sa comfort room.
Pagpasok niya sa CR, ganun na lamang ang pagkagulat niya.
Naroon si Mary Underwood! (Itutuloy)
- Latest