Hiyasmin (282)
IKALAWANG araw ng advertising congress, excited si Hiyasmin. Kakaibang pagkasabik ang nadarama niya lalo na at magsasalita muli si Mary Underwood. Ngayon lang siya nakadama ng pagkasabik na makita at marinig muli ang isang tao. Hindi niya maipaliwanag. Nabanggit niya iyon kay Dax kahapon at sinabi ng asawa na mayroon daw talagang ganun na sabik makita ang taong mahusay at malinaw na magsalita. Parang katulad din daw nang nadarama ng isang college student sa kanyan propesor na mahusay magpaliwanag ng paksang pinag-aaralan.
Pero para kay Hiyasmin, mas higit pa roon ang nadarama niya kay Mary Underwood. Basta kakaiba ang nararamdaman niya kapag nakikita at nagsasalita na ang babaing speaker.
Sabi pa ni Dax, baka raw naglilihi na siya. Baka raw napaglilihihan niya ang speaker na si Mary Underwood.
Nag-isip si Hiyasmin.
Baka nga, naglilihi na siya ah!
Bakit ganito ang nararamdaman niyang pagkasabik kay Mary Underwood. Kapag hindi dumating ang kanyang monthly period ngayong linggong ito, maaring naglilihi na nga siya at si Mary Underwood ang napaglilihihan niya. Sana nga!
Eksaktong 8:00 a.m. nagsimula ang congress. Thirty minutes bago ang ad congress ay bumaba na si Hiyasmin mula sa kanyang suite at nagtungo sa venue na nasa loob ng Marriot mismo.
Unang nagsalita ang lalaking speaker na isang Canadian. Sumunod ay babae na nagmula sa Japan at ikatlo si Mary Underwood.
Titig na titig si Hiyasmin kay Mary habang nagsasalita. Sure na sure ito sa mga sinasabi. Master na master na ang larangan na tinatalakay.
Habang nagsasalita, napansin ni Hiyasmin na lalong nagiging kaakit-akit si Mary Underwood.
Naalala ni Hiyasmin ang sinabi ng asawang si Dax na ang mga taong nasa larangan ng advertising ay biniyayaan ng husay sa pagsasalita. Totoo nga dahil parang balewala kay Mary ang pagsasalita na parang nakikipag-usap lang ito sa audience. Napakahusay. Nasabi tuloy ni Hiyasmin sa sarili na sana, naging katulad siya ni Mary Underwood.
Nang matapos si Mary sa pagsasalita, naghanda na si Hiyasmin para makilala ito nang lubusan.
Pipilitin niyang makalapit kay Mary. Hindi siya titigil hangga’t hindi ito nakakausap. Kung marunong ito ng Tagalog, masusubukan niya ngayon. Hindi siya dapat mabigo sa ikalawang pagkakataon.
Nagmamadali si Hiyasmin na bumaba mula sa kinauupuan. Nasa dakong itaas siya kaya kailangang umikot siya para makarating sa daraanan ni Mary Underwood.
Binilisan niya ang paglalakad.
Eksaktong nakaikot na siya at malapit na sa daraaanan ni Mary nang mapansin niya na marami palang nag-aabang dito.
Hindi lang siya ang may gustong makilala si Mary.
Itutuloy
- Latest