Hiyasmin (269)
“BAKIT ngayon mo lang ikinuwento sa akin na tinuruan mo pala ng Tagalog si Rashid, Lira?’’ tanong ni Siony.
“Hindi ko naman siya lagi tinuturuan—ilang Tagalog words lang naman—mas marami akong naituro kay Maryam.”
“Kahit na—meron din siyang natutuhan sa’yo. At ngayon ko lang naisip ang mga sinisigaw niya noon sa plaza ay Tagalog.”
“Ano?”
“Tagalog yun—hindi ako maaring magkamali. Medyo ngamol lang siyang magsalita ng Tagalog pero yun ang gustong sabihin ni Rashid.”
“Ano ba ang sinisigaw niya?”
“Narinig ko, ‘Lira Mahal Kitaaaa!’ Paulit-ulit yun. Ngayon ko lang naunawaan ang sinisigaw niya dahil sa sinabi mong tinuruan mo siya ng Tagalog.”
Hindi makapaniwala si Lira. Hindi pala nalilimutan ni Rashid ang mga salitang itinuro niya lalo na ang salitang “mahal kita!”.
“Kaya talagang mahal ka ni Rashid, Lira. At ang paghihiwalay ninyo ay masyado niyang dinamdam at nasaktan siya nang labis. Na-depressed siya sa madaling sabi na nauwi naman sa pagkasira ng isipan. At dahil dun, naisagawa niya ang pagsunog sa kanilang bahay na ikinamatay niya at pati mga magulang.”
Napatango na lang si Lira.
“Sa palagay mo Lira, naipagtapat ni Rashid kay Maryam ang inyong relasyon? Sabi mo minsan closed ang magkapatid.”
“Oo Siony—palagay ko, naipagtapat ni Rashid kay Maryam ang relasyon namin.”
“Pati kaya ang pagbubuntis mo, naipagtapat din?”
“Palagay ko, Siony.”
Itutuloy
- Latest