Hiyamin (266)
“NALAMAN ko rin na napakarami palang kayamanan at ari-arian na naiwan ang pamilya ni Rashid at napunta lahat iyon kay Mam Maryam. Marami palang pera sa banko si Rashid. Ang mga magulang ay may taniman ng dates sa Al Ahmadi at may sheep farm sa Al Farwaniya. Lahat iyon, napunta kay Mam Maryam,’’ sabi ni Siony.
“Paano mo nalaman, Siony?”
“Nakakuwentuhan ng aming drayber na Indonesian ang foreman ng mga trabahador na gumagawa ng bahay, isang buwan makaraang ipagbili. Ang foreman ay isa ring Indonesian kaya naikuwento ang mga nangyari. Permanente na palang titira sa U.S. si Mam Maryam. Ayaw na raw maalala ang malagim na nangyari sa kanyang pamilya kaya ipinasyang ipagbili lahat ang mga ari-arian. Dinala lahat ang napagbilhan sa U.S. at hindi na raw babalik sa Kuwait, kahit kailan. Naging U.S. citizen na si Mam Maryam at nagtuturo na sa isang kilalang unibersidad.”
“Ang dami mo palang nalaman kay Maryam, Siony.”
“Oo. At ang sabi pa ng foreman, napakabait daw ni Mam Maryam. Matulungin din daw sa mga nangangailangan.”
“Ano pa Siony ang nalaman mo?’’ tanong ni Lira na nagkaroon ng interes kay Maryam.
(Itutuloy)
- Latest