Hiyasmin (265)
“KAPAG gabi na maliwanag ang buwan at napapadaan ako sa nasunog na bahay pagkatapos magtapon ng basura, naninindig ang balahibo ko,’’ sabi ni Siony. “Para bang naiimadyin ko na naroon si Rashid at nakatingin sa kawalan.”
“Sa palagay mo hindi patatayuan ng bagong bahay?’’ tanong ni Lira.
“Wala akong nakikitang gumagawa. Nakatiwangwang lang. Yung mataas na pader ay may bahaging naguho dahi siguro sa matinding init noong masunog.”
“Baka ayaw na ng mga Kuwaiti sa nasunog na bahay kaya wala nang dumadalaw man lang?”
“Posible. Baka may pamahin ang mg Kuwaiti na ang nasunog na bahay ay hindi na dapat tirahan.”
“Baka naman ipagbibili?”
“Hindi ko alam. Wala naman akong mapagtanungan dahil ang mga maid sa kabilang bahay ay takot makipagtsismisan.”
“Wala na yung kakilala mong Indonesian na maid?”
“Wala na. Umuwi na sa Jakarta.”
“Ano pa ang mga sumunod?”
“Makalipas ang anim na buwan, may nakita akong dumating na babae, Maganda. May mga kasama siya. Ininspeksiyon ang nasunog na bahay. Nalaman ko, siya pala si Maryam—kapatid ni Rashid. Ipagbibili pala ang bahay. Hindi na pala sa Kuwait nakatira si Maryam kundi sa US na.”
Nasasabik si Lira sa mga nalalabi pang kuwento ni Siony kaugnay sa buhay ni Rashid.
(Itutuloy)
- Latest