Hiyasmin (264)
“Sarado na ang kaso sa pagkasunog ng bahay nina Rashid sapagkat napatunayan ng mga pulis na ito mismo ang sumunog. May mga nakitang ebidensiya na nagpapatunay na si Rashid ang may kagagawan ng lahat,’’ sabi ni Siony.
“Ang kapatid na babae ni Rashid na si Maryam, nasaan na siya?”
“Wala na akong balita sa kapatid na babae ni Rashid. Maryam ba ang name ng kapatid?”
“Oo. Maganda siya. Nung naglilingkod ako sa kanila, mga 15-anyos siya.”
“Ang pagkaalam ko nasa U.S. siya nag-aaral.”
“Alam kaya niya ang nangyari sa mga magulang at kapatid?”
“Siguro naman. At saka siyempre, may mga kamag-anak sila na magsasabi sa kanya.”
“Kawawa naman si Maryam na naging ulilang lubos.”
“Mabait din ba si Maryam, Lira?”
“Oo. Bukod sa napakaganda ay napakabait pa.”
“Hindi ko pa siya nakikita, Lira. Ang akala ko nga nag-iisang anak si Rashid.”
“Baka sa U.S. na siya naninirahan ano, Siony?”
“Puwede.”
“Mula nang masunog ang bahay wala ka nang nakikitang nagtutungo roon?”
“Wala na. Napakalungkot nga. Kapag pinagmamasdan ko ang nasunog na bahay, kinikilabutan ako.”
(Itutuloy)
- Latest