Hiyasmin (257)
HINDI nakapagsalita si Lira sa sinabi ni Siony na nagsisisigaw daw sa parke si Rashid. Ang parke na tinutukoy ni Siony ay ang parke na madalas ding puntahan ni Lira noon kapag Biyernes. Doon sumasagap ng hangin si Lira kapag Biyernes na wala siyang gaanong ginagawa sa bahay.
“Nagulat ako nang makita siyang nagsisisigaw. Natakot din ako dahil para bang nawawala na siya sa sarili habang sumisigaw,” sabi ni Siony.
“Anong sinisigaw niya, Siony?”
“Baka hindi ka maniwala, Lira pero isinisigaw niya ang pangalan mo. Malakas talaga ang pagkakasigaw niya. May ilang tao na namamasyal sa parke ang napatigil sa paglalakad at tiningnan si Rashid. Lahat sila, gulat na gulat at nahintakutan.”
“Sure ka Siony na pangalan ko ang sinisigaw niya?”
“Oo naman. Malinaw naman ang pangdinig ko. Kahit gamol siya sa pagbanggit ng name mo, nakuha ko agad ang ibig niyang sabihin. Hindi ako maaaring magkamali, Lira.”
“Bakit kaya ang pangalan ko ang isinisigaw niya?”
“Isa lamang ang ibig sabihin nun, ikaw pa rin ang nasa isip ni Rashid—hindi ka niya malimutan. At naniniwala ako na talagang napamahal ka sa kanya, Lira.”
“Pero bakit hindi niya ako pinaglaban? Bakit niya ako pinabayaan? Bakit hindi niya kinilala ang pinagbubuntis ko?”
“Maaaring tinakot siya ng kanyang mga magulang. Baka mayroon na silang napupusuang babae na para kay Rashid.”
“Ano pang ginawa niya, Siony? Pagkatapos niyang magsisigaw, ano pa ang ginawa ni Rashid?”
“Nanatili siya sa pagkakaupo sa paboritong bench. Nakatingin sa kawalan. At napansin ko na tumutulo ang kanyang luha.”
Gustong mapaiyak ni Lira sa tagpong iyon ng kuwento ni Siony. Sasambulat ang dibdib niya.
Itutuloy
- Latest