Hiyasmin (198)
“PATAY na ang asawa ni Mama!’’
“Ang stepfather mo?”
“Oo.”
“Anong nangyari?’’
“Binaril ng mister ng babaing kalaguyo niya. Naaktuhan sila sa motel sa Sta. Mesa.”
“Kailan nangyari?”
“Kahapon ng umaga—napanood daw niya nang ibalita sa TV.’’
“Paano mo naman nalaman?”
“Tumawag si Mama sa akin—ngayun-ngayon lang. Ikinuwento ang mga pangyayari batay sa salaysay ng mister na nakapatay. Sabi ni Mama, sinundan daw ng mister ang asawa. Sumakay daw ng taxi. Nakita raw ng mister na may kasamang lalaki ang asawa sa taxi. Kumuha ng taxi ang mister at pinasundan ang sinakyan ng asawa at kasama nito. Humantong sa Sta. Mesa at kitang-kita raw kung saang motel pumasok. Sinundan ng mister. Pinasok ang room at nahuli sa akto ang dalawa. Pinagbabaril.’’
“Ano ang reaksiyon ng mama mo?”
“Wala naman akong nahalata sa boses niya. Pero ang hula ko, nabunutan siya ng tinik sa dibdib!”
“Nagkatotoo ang sinabi mo, Hiyasmin. Parang sumpa na dumapo sa stepfather mo ang iyong sinabi—umepekto agad!”
“Siguro Dax, dahil naipon ang mga sama ng loob ko sa taong yun, mabagsik ang tama sa kanya. Malagim ang sinapit niya.’’
“Ang babae kayang napatay e yung nakita nun sa mall?’’ tanong ni Dax.
“Hindi nasabi ni Mama. Hindi niya siguro kilala. At saka malay natin, baka maraming babae ang stepfather ko.’’
“Natapos din ang kalbaryo ng Mama mo.’’
“Maari na natin siyang makita sa mga susunod na linggo, Dax.’’
“Oo nga.’’
“Sana naman, matuto na ang mama ko—hindi na sana maulit ang nangyari sa kanya.’’
“Siguro naman, hindi na dahil may aral na.”
“Puwede ko na rin siyang pagsabihan kung sakali.”
“Oo.”
(Itutuloy)
- Latest