Unggoy, nagdulot ng brownout sa sri lanka!
Isang unggoy ang sinasabing dahilan ng malawakang brownout na sumira sa ekonomiya at abala sa milyun-milyong mamamayan ng Sri Lanka noong nakaraang linggo.
Ayon sa mga opisyal, nag-umpisa ang blackout bandang alas-11 ng umaga nang pumasok ang isang unggoy sa isang power station sa timog ng Colombo at aksidenteng nasira nito ang isang grid transformer.
Dahil dito, nagkaroon ng imbalance sa sistema ng kuryente at nagdulot ng pagkawala ng kuryente sa buong bansa.
Habang pilit na inaayos ng mga awtoridad ang sitwasyon, maraming negosyo ang nalugi at milyun-milyong halaga ng kita ang nawala.
Ang mga ospital at water purification plants ang unang inuna na magkaroon ng kuryente, ngunit tumagal ng halos isang buong araw bago ito tuluyang naibalik.
Samantala, nag-viral naman ang insidente sa social media kung saan maraming netizens nagpahayag ng pagkadismaya at ginawa na lang itong katatawanan para libangin ang kanilang mga sarili.
May isang user sa X ang nagkomento: “Isang unggoy lang pala ang kailangan para magdulot ng ganitong kaguluhan!”
Isa pang netizen ang nag-post ng larawan ng monkey god na si Hanuman, na ayon sa mitolohiyang Hindu ay minsan nang sinunog ang Sri Lanka. “Mukhang bumalik ang unggoy para tapusin ang misyon niya!” biro ng netizen.
Ngunit hindi lang katatawanan ang dulot ng pangyayari. Ayon sa ilang eksperto, matagal na nilang binabalaan ang gobyerno na dapat nang i-upgrade ang lumang power grid ng bansa. Kung hindi ito aayusin, maaari pang maulit ang ganitong sakuna kahit sa simpleng aberya lang.
Dahil sa kasalukuyang problema sa suplay ng kuryente, nag-anunsyo ang Ceylon Electricity Board na magkakaroon ng nakatakdang 90-minute rotational brownout sa ilang bahagi ng Sri Lanka sa loob ng dalawang araw.
Matatandaang noong 2022, nagkaroon din ng matinding power outage sa Sri Lanka dahil sa krisis sa ekonomiya, kung saan naranasan ng mga residente ang halos 13-oras na pagkawala ng kuryente.
- Latest