Hiyasmin (196)
Makalipas ang isang linggo, may ibinalita si Hiyasmin kay Dax.
“Hindi na naman matutuloy ang balak natin na pakikipagkita kay Mama!’’
“Bakit?’’
“Nalaman ng stepfather ko ang plano at sinaktan uli si Mama.’’
“Paano nalaman?”
“Nabasa ang text ko. Inaway si Mama at sinaktan uli.’’
“Kawawa naman ang mama mo!’’
“Sobra na ang kawalanghiyaan ng asawa niya!’’
“Paano natin mami-meet ang mama mo? Tiyak lagi nang babasahin ang message sa cell phone.’’
“Hindi ko na iti-text si Mama dahil nababasa—siguro tawag na lang at maikli lang ang pag-uusap.’’
“Huwag na nga muna nating ituloy at baka lalo pang masaktan ang mama mo. Palagay ko, wala nang magagawa pa para makita ang mama.’’
“Siguro mangyayari lamang yun kapag namatay na ang hayop!’’
Napatangu-tango si Dax. Nadama niya ang matinding galit ni Hiyasmin sa stepfather nito.
“Kailan kaya mamamatay ang taong yun?’’
Hindi nagsalita si Dax. Hinayaan na lamang niya na magsalita nang magsalita si Hiyasmin para mabawasan ang kinikimkim na galit sa dibdib. Maganda raw na mailabas ang galit.
“Pero di ba matagal mamatay ang masamang damo?’’ tanong pa ni Hiyasmin.
“Hindi na ngayon—marami nang pamatay para sa masamang damo,’’ sabi naman ni Dax.
“Sana mamatay na ang masamang damo para matapos na ang paghihirap ni Mama!’’
(Itutuloy)
- Latest