Hiyasmin (194)
ISANG araw, may sinabi si Hiyasmin kay Dax.
“Huwag ko raw puntahan si Mama sa bahay nila.’’
“Bakit daw?’’
“Ayaw daw niyang makita ko siya sa kanyang kalagayan.’’
“Anong kalagayan niya?’’
“Ayaw sabihin pero nang kinulit ko, sinabi rin—may mga pasa raw siya sa mukha at braso. Binugbog daw siya ng walanghiya kong stepfather!’’
“Ano raw nangyari? Ba’t siya binugbog?’’
“Natuklasan daw niyang may babae ang walanghiya!’’
Napatangu-tango si Dax.
“Siguro ang babae ay yung nakita natin minsan sa mall ano?’’
“Malamang!’’
“Di ba plano mo nun e isumbong ang nakita natin? Mabuti at siya na mismo ang nakadiskubre.”
“Nahuli raw niya nag-uusap sa cell phone. Naghinala siya. Nang makalingat daw ang walanghiya, pinakialaman niya ang CP at dun niya napatunayan na may babae nga. Galit na galit daw siyang kinumpronta ang walanghiya. Siya pa ang binugbog at binantaan na lalayasan! Iyak daw nang iyak si Mama. Wala raw siyang magawa…’’ napatigil sa pagsasalita si Hiyasmin at nangilid ang luha.
Pinayapa ni Dax ang kasintahan.
“Awang-awa ako kay Mama, Dax. Kahit hindi ko nakita ang itsura niya, naiimadyin ko ang pasa na nasa mukha niya at braso. Kaya huwag daw akong pupunta. At sinabi rin niya, baka pagpunta ko roon ay matiyempuhan na naroon ang walanghiyang asawa. Baka raw kung ano ang gawin.”
“Tama ang mama mo. Hindi ka dapat pumunta.’’
“Ano ang gagawin ko, Dax?’’
“E di makipagkita na lang tayo sa kanya sa isang lugar—sa mall halimbawa. Kumain tayo.’’
Nagliwanag ang mukha ni Hiyasmin sa sinabi ni Dax.
(Itutuloy)
- Latest