Hiyasmin (192)
“KAHIT hindi mo pa lubusang naikukuwento ang tungkol sa mama mo, nahuhulaan kong masama ang ugali ng asawa niya,’’ prankang sabi ni Nanay Julia.
“Totoo po ang sinabi mo, Nanay. Alam po lahat ni Dax ang tungkol sa buhay ng mama ko—niloloko po siya ng stepfather ko.’’
“Sabi ko na. Naaawa ako sa mama mo.’’
“Minsan po, habang nasa mall kami ni Dax, nakita namin ang stepfather ko na may kasamang babae. Kabit po niya dahil nakayakap sa kanya habang naglalakad.”
“Nakakagigil!’’
“Balak ko po sanang isumbong sa mama ko ang nadiskubre namin pero pinigilan ako ni Dax. Huwag daw at baka magdulot lamang ng iba pang problema. Baka raw awayin ni Mama ang stepfather ko at sa pag-aaway ay baka kung ano ang magawa—posibleng may mapatay.’’
Napatangu-tango ang matanda.
“Ang sarap sampalin ng stepfather mo! Bakit hindi pa mama---!’’
Huminga nang malalim si Hiyasmin.
“Marami po siyang kasalanang ginawa sa akin kaya talagang gumawa ako ng paraan na makalayo sa kanila.’’
“Tama ang ginawa mo. E ano kayang lagay ng mama mo ngayon?’’
“Baka bukas po pupunta ako.’’
“Ipagsama mo si Dax.’’
KINABUKASAN, si Dax na ang nagprisinta kay Hiyasmin.
“Puntahan natin ang mama mo ngayon.’’
Pero atubili si Hiyasmin.
“Saka na lang, Dax.”
(Itutuloy)
- Latest