Dioscora (104)
“Gusto ko nang maniwala na mayroong malaking problema si Mam at kaya siya hindi pumupunta rito ay para hindi tayo masangkot sa problema niya,’’ sabi ni JC.
“Posible ang sinabi mo Kuya. Gusto niyang malutas ang problema bago siya magpakita sa atin.’’
“Oo. At narito lang siya sa paligid-ligid.’’
“Ano kaya ang problema niya?’’
“’Yan ang hindi natin malaman.’’
“E Kuya, paano tayo mabibigyan ng suplay ni Mam kung hindi siya pupunta rito? Baka mamatay tayo sa gutom.’’
“Hindi mangyayari yun. Matalino si Mam at gagawa siya ng paraan para mabigyan tayo ng kailangan. Hayaan natin siyang gumawa ng paraan.’’
“Mauubos na kasi ang supply natin, Kuya. Baka pangdalawang araw na lang ang pagkain natin sa ref. Tinitipid ko na nga.’’
“Mayroon pa naman akong pera. Kapag hindi pa nagpakita si Mam, gagastusin ko ang perang ipon. Pero malakas ang kutob ko na may gagawin si Mam para tayo mabigyan ng suplay. Kaya huwag kang mag-panic at baka isang araw ay magkaroon na tayo ng suplay.’’
“Oo Kuya.’’
“Bukas magmamatyag ako paglabas ng unibersidad at bakasakaling makita ko uli ang kotse ni Mam.’’
“Oo nga Kuya. Kunan mo ng retrato.
KINABUKASAN ng gabi paglabas ni JC ng unibersidad ay nagmatyag siya at baka matiyempuhan ang kotse ni Mam.
Pero lumipas ang ilang minuto, hindi ito nakita ni JC.
Sa loob-loob ni JC, baka nagkamali lang siya—baka kamukha lang ng kotse ni Mam ang nakita niya.
Makalipas pa ang isang araw, nagulat si JC nang biglang may message sa kanya si Mam Dioscora.
Agad niyang sinabi kay Maria.
“May message sa akin si Mam.’’
“Anong sinasabi Kuya?’’
Binasa ni JC ang message. (Itutuloy)
- Latest