Kaibigan (215)
“ANO ‘yan Dex at para kang nakakita ng ahas?’’ tanong ni Lara na nasa ‘di-kalayuan.
“Basta halika!’’
Lumapit si Lara kay Dex.
“Ano ba ‘yan?’’
“Tingnan mo, bukal ng tubig!’’
“Bukal ba ‘yan o hukay lang na may tubig?’’
“Bukal ito! Tingnan mo at walang tigil ang daloy.’’
“Oo nga!’’
Yumuko si Lara at sinalok ang kanang kamay sa umaagos na tubig.
“Ang lamig!’’
“Ibig sabihin, fresh na fresh ang tubig! Galing talaga sa ilalim ng lupa.’’
“Sa palagay mo Dex, nadaya tayo sa lupang ito?’’
Nag-isip si Dex. Hindi agad nakasagot kay Lara.
“Baka kaya ipinagbili ito ay dahil nga may tubig. At kung may tubig, posible itong mag-slide o magkaroon ng sinkhole?’’
Lalong hindi agad nakasagot si Dex. Posible ang sinabi ni Lara na magkaroon ng butas ang lupa dahil sa umaagos na tubig.
Sinisi naman agad ni Lara ang sarili.
“Kung bakit kasi hindi ko napasyalan nang todo ang lupang ito nung isama ako rito. Tinanaw ko lang ito mula sa highway. Akala ko pawang lupa—meron pala ritong bukal.’’
“Huwag mo munang sisihin ang sarili mo. Inspeksiyunin muna nating mabuti itong lupa.’’
Kumalma si Lara.
“Iinspeksiyunin ko hanggang dun. Baka naman ang tubig na nakita natin ay naipon lang. Mukhang kauulan lang dito sa Nagcarlan. Halika roon sa may damuhan at tingnan natin,’’ yaya ni Dex.
“Ikaw na lang Dex. Dito na lang muna ako. Para akong nawalan ng gana.’’
“Sige diyan ka lang.’’
Tinungo ni Dex ang bahaging damuhan. Hanggang baywang ang mga damo. Sinuri niya ang lupa.
At napailing-iling siya sapagkat katulad din ito nang nakita niya kanina. Nilalabasan din ng tubig.
Dumako siya sa dakong itaas. Ininspeksiyon din niya. Walang ipinagkaiba sa dalawang spot na nakita niya.
Sinubukan naman niyang puntahan ang nasa kanang bahagi ng lupa—mga sampung metro ang layo sa bukal ng tubig. Sinuri niya.
Walang bukal ng tubig dito! (Itutuloy)
- Latest