Kaibigan (208)
MATAPOS silang umusal ng panalangin at pasasalamat sa harap ng puntod ni King, biglang sumimoy ang malamig na hangin na dumampi sa kanilang pisngi. Kakaibang dampi nang malamig na hangin na noon lamang nila naranasang pareho.
“Naramdaman mo ‘yun, Lara? Ang lamig ng hangin na dumampi sa aking mukha!’’
“Oo Dex, naramdaman ko. Parang may humipo sa pisngi ko!’’
“Ibang klase ng hangin na ngayon ko lang nadama, Lara.’’
“Ako rin Dex. Ngayon lang ako nakadama ng gayun.’’
“Walang duda, nagparamdam sa atin si King!’’
Hindi makapagsalita si Lara. Nanindig ang balahibo niya.
Nang makapagsalita ay may garalgal ang boses.
“Tama ka Dex, nagparamdam nga si King!
“Palagay ko, natutuwa siya sa nangyari sa atin, Lara. Natupad ang huling habilin niya.’’
Niyakap ni Dex si Lara at minsan pa, nadama nila malamig na simoy ng hangin na ilang segundo rin na dumampi sa pisngi nilang dalawa.
Pagkatapos niyon ay sa puntod naman sila ni Tess nagtungo. Umusal din sila ng dalangin sa harap ng puntod nito.
Salamat Tess sa pagmamahal mo sa akin, tahimik na sinabi ni Dex.
Mamahalin ko si Dex gaya nang pagmamahal na iniukol mo Tess, bulong naman ni Lara.
Pagkatapos ay masaya nilang nilisan ang libingan.
MAKALIPAS ang mahigit isang buwan, balik na uli sa Riyadh sina Dex at Lara. Trabaho uli ang inatupag nila. Sa pamamasyal kung Biyernes sa Batha, malaya na silang nakakakilos sapagkat mag-asawa na sila.
Makalipas pa ang apat na buwan mula nang maging mag-asawa, isang umaga bumangon si Lara na bumabaliktad ang sikmura. Pero hindi niya inintindi at nagpatuloy sa pagluluto ng almusal nila ni Dex.
Pero nahihilo siya at maduduwal.
“Nahihilo ako, Dex,’’ sabi niya at humawak sa braso ng asawa.
“Maupo ka,’’ sabi ni Dex at inalalayan ang asawa. (Itutuloy)
- Latest