^

True Confessions

Kaibigan (147)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

“NANG umalis ako rito noon, sinubukan kong makontak ang aking mga kapatid. ‘Yung kapatid ko sa Los Angeles, nakontak ko pero paninisi lang ang nakuha ko. Sinisi ako sa pagkamatay ng aking mama. Kung hindi raw ako nagpa­kasal kay King, sana raw ay buhay pa si Mama. Hindi na ako nakipagtalo pa dahil hindi naman ako pakikinggan.

“Sunod kong tinawagan ang kapatid ko sa Melbourne, pero ganundin ang sinabi sa akin. Sinisi rin ako. Nag-iisa pa naman daw akong babae pero rebelde at matigas ang ulo. Ayaw daw akong makinig sa payo ng magulang. Wala raw akong utang na loob. Ako raw ang tupang itim sa pamilya.

“Hindi na rin ako nagsa­lita pa o nangatwiran dahil wala namang mangyayari. Ang tingin nila sa akin, su­wail at matigas ang ulo. Wala na akong magagawa kung ganun ang pagkakilala nila sa akin. Hayaan ko na lang na ma-realize nila ang lahat. Kung kalian ‘yun ay hindi ko alam.

“Pagkatapos niyon, nag­plano na ako sa buhay. Kaila­ngang mapaunlad ko ang sarili at nang mayroong maipagma­laki. Dahil mayroon naman akong pera nang umalis dito dahil sa natanggap kong sepa­ration pay ni King, nag-aral ako ng short courses bilang nur­sing aide. Kahit na nakatapos ako ng kolehiyo, kailangan kong kumuha ng nursing aide para makapag-aplay ako sa abroad.

“At sinuswerte naman ako dahil nang makatapos ako ng kurso, natanggap agad ako sa isang clinic. At pagkalipas ng anim na buwan, natanggap na agad ako sa isang ospital sa Riyadh.

“Hindi ako makapaniwala na ganun kabilis ang darating na suwerte sa akin. Magdadalawang taon na ako sa Riyadh. Yearly ang bakasyon ko.

“Nang una akong magbakasyon, sinubukan kong pumunta rito. Pero hindi ako nagpakita sa iyo. Nahiya kasi ako. Nandiyan lang ako sa tapat at nakikibalita tungkol sa iyo. Nalaman ko nga na may asawa ka na at si Tess ang napangasawa mo.

“Ilang beses pa akong nag-try na makipagkita sa iyo pero nahihiya talaga ako sa’yo. Kaya wala akong ma­gawa kundi ang magmatyag sa iyo. Naghihintay ng pagkakataon. Pero hindi ko magawang magpakita sa iyo. Hanggang sa bumalik na uli ako sa Riyadh.

“Nito lang pag-uwi ko nitong nakaraang buwan saka ko nalaman na namatay pala si Tess. At muli, sinubukan kong makipagkita sa’yo. Nang dumalaw ako sa puntod ni King, binalak ko dun kita hintayin pero hindi ko magawa. Aywan ko. Kaya eto nagtungo na ako rito. Aalis na rin kasi next week patungo sa Riyadh. Nilakasan ko na ang loob ko. Gustung-gusto na kasi kitang makausap.’’

(Itutuloy)

TRUE CONFESSION

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with