^

True Confessions

Kaibigan (47)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

MAHINANG-MAHINA si King sa tingin ni Dex habang pinagtutulu­ngan nilang buhatin ni Lara patungo sa taxi. Bakit nag­kaganito ang kaibigan niya? Ba’t biglang nawalan ng lakas? Hindi niya ina­­asahan ang ganito sa ka­ibigan na alam niyang malakas.

Pagdating sa ospital, deretso sa emergency room si King. Habang dinadala ng hospital crew si King sakay ng stretcher ay umiiyak na nakatingin si Lara. Bakas sa mukha ang pagkabalisa sa nangyayari sa asawa.

‘‘Samahan mo si King, Lara at baka may itanong ang doctor. Nasa waiting area lang ako.’’

Nagmamadaling hinabol ni Lara ang mga crew na may dala kay King.

Si Dex ay nagtungo sa waiting area ng hospital na nasa basement. Ilan lang ang tao sa waiting area. Nakatulog na ang ilan sa paghihintay.

Naupo si Dex sa pinakasulok. Pumikit siya. Ayaw niyang mag-isip nang masama sa kalagayan ni King pero nagsusumiksik na baka iwanan na sila ni King. Baka hindi na niya makausap si King!

Kanina nang kausapin siya ni Lara at sinabing masama ang nararamdaman ni King, nagduda na siya. Hindi magsasalita ng ganun si Lara kung walang nakikitang masama sa kalagayan ng asawa. Parang sa himig ng pananalita ni Lara ay hindi na magtatagal si King!

Ipinikit ni Dex ang mga mata at pinilit na makatulog. Ayaw niyang mag-isip nang masama ukol sa kaibigan. Ayaw niya! Gusto niyang mag­kasama pa sila nang matagal ng kaibigan. Marami pa siyang igaganti sa kabutihan nito na ginawa sa kanya noon. Kulang pa ang mga nagawa niya sa kaibi­gan na itinuring na niyang kapatid.

Kahit pa kinupkop niya ang mag-asawa sa kanyang bahay, sa tingin ni Dex ay hindi pa iyon sapat. Kulang pa sa mga nagawa sa kanya ni King noong araw. Hindi niya malilimutan ang mga nagawa sa kanyang kabutihan ni King.

Kung may mangyayari kay King, hindi niya alam kung paano ang gagawin. Baka hindi niya matanggap. Huwag naman sana.

Binalikan ni Dex ang mga nangyari kay King. Napansin niya na nagsimulang humina ang kaibigan makaraang masaksak ng holdaper at maospital nang matagal. ‘Yun kaya ang dahilan? Pero sabi naman ni King okey na naman siya. O baka naman hindi lang pinagtatapat ni King ang tunay na nararamdaman.

(Itutuloy)

vuukle comment

TRUE CONFESSION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with