Huling Eba sa Paraiso (146)
Nagpatuloy si Marianne sa pagkukuwento.
“Tumayo si Mr. C at iniwan ang mga kausap na Chinese. Dinala ako sa maliit na kuwarto at tinanong kung narinig ko ang pinag-uusapan nila kanina. Sabi ko’y hindi. Tiningnan ako na may pagdududa ni Mr. C. At saka nagbanta, kapag daw natuklasan ng mga pulis ang kanilang lihim, ako lang daw ang pinanggalingan niyon at wala nang iba. Papatayin daw nila ako kapag nabuking ang kanilang negosyo. Pagkatapos akong bantaan ay pinalabas na ako ng silid.’’
“Wala nang nangyaring pagbabanta sa iyo mula nun?’’ tanong ni Luke.
“Wala na. Ang sumunod nang pangyayari roon ay nang i-rescue o itakas ako ni Drew sa club. At marahil nang tumakas ako, lalong tumibay ang hinala ni Mr. C na nalaman ko ang lihim nila ukol sa shabu laboratory.’’
“Posible ang sinabi mo, Marianne. Iyon ang dahilan kaya ka hinahanap ng mga tauhan ni Mr. C. Papatayin ka nila dahil mayroon kang nalalaman sa negosyo nila.’’
‘‘Sa palagay mo kaya Luke, naroon pa sa mga lugar na sinabi ni Marianne ang shabu ?’’
‘‘Palagay ko, inalis na nila ‘yun dun. Pero magpapadala pa rin ako ng mga tauhan para manmanan ang lugar.’’
‘‘Tiyak na marami ang shabung naroon dahil dun pala ginagawa mismo,’’ sabi ni Drew.
‘‘Oo. Marami na namang kabataan ang sinira dahil sa kagagawan ni Mr. C. Kaya, hindi ko na siya paliligtasin, Drew. Ibubuhos ko na lahat ang makakaya ko para mahuli patay o buhay si Mr. C.’’
“Mag-ingat kayo, Luke.’’
“Mamaya na kami sasalakay sa Binondo. Nakahanda na ang raiding team ko. Dala namin ang warrant. Kapag lumaban si Mr. C, mapipilitan na kaming gawin ang nararapat.’’
‘‘Sana matapos na ito Luke. Para makabalik na sa normal na buhay. Mahirap itong may mga nagbabanta. Patakbu-takbo.’’
‘‘Matatapos na ito mamaya, Drew. Tandaan mo ang sinabi ko.’’
(Itutuloy)
- Latest