^

True Confessions

Huling Eba sa Paraiso (23)

Ronnie Halos - Pilipino Star Ngayon

Naisip ni Drew na deli­kado ang ginagawa niyang pagsubaybay sa babae at pagkuha ng video rito. Puwede siyang maakusahan na may masamang tangka sa babae. Dapat itigil na niya ang pagsubaybay sa babae at kung gusto niyang ma­kilala, pormal siyang pumunta sa bahay nito. Ngayong alam na niya ang bahay, maari naman siyang magtungo roon at makipagkilala.

Muling pinanood ni Drew ang video habang naliligo sa sapa ang babae. Kahit pa ilang ulit niyang pano­orin ang video ay hindi siya magsasawa. Hindi alam ni Drew kung anong meron ang babae at nahalina siya nang todo. Parang may ka­kaibang karisma ang babae na hindi niya kayang tanggihan. Ngayon­ lang siya nagkaganito. Ngayon lang nangyari sa kanya ang ganito na nahaling sa isang babaing nakatira pa sa liblib na lugar. Lubhang kakaiba ang nangyayari sa kanya.

Pinagmasdan pa niyang mabuti ang babae sa video. Kakaiba ang ganda. Hindi siya nakakita ng ganito sa Maynila o sa iba pang lugar na napuntahan niya.

Ano kaya ang pangalan ng babae?

At sino kaya ang kasama ng babae sa bahay?

Tanggapin kaya siya ng babae kung dadalaw siya sa bahay nito?

Ilang beses pang pinanood ni Drew ang video ng babae habang naglulunoy sa sapa.

Nakaidlip siya habang nanonoood.

“Saan ka pupunta Kuya?’’ tanong ni Tikoy kay Drew isang umaga.

“Sa bayan – sa tiyangge. May bibilhin lang ako.’’

“Sasamahan kita.’’

“Huwag na. Bantayan mo na lang ang mga nagtatrabaho sa kanal. Babalik agad ako.’’

‘‘Sige Kuya.’’

Nagtungo si Drew sa bayan. Dala niya ang pickup. Sa totoo lang, ang babaing nakita sa sapa ang kanyang sadya. Malaki ang hinala niya na ang babaing vendor at ang babae sa sapa ay iisa.

Marami nang tao sa tiyangge nang dumating si Drew. Hinanap niya ang pu­westo ng babae sa sidewalk.

Wala ang babae. Nag­hintay siya. Baka naman pa­parating pa lang. Maaga pa.

Pero lumipas na ang isang oras, hindi pa dumarating ang babaing sidewalk vendor.

Aalis na sana si Drew nang makita niya ang babae. May bitbit na basket at patungo sa isang restaurant. (Itutuloy)

DREW

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with