Monay (26)
Kinabukasan, nagpasya si Joem na magtungo sa school para kausapin ang kanyang adviser at nang makita rin si Monay. Maaga siyang nagluto ng agahan niya. Kanin at pritong itlog at kape. Malaking tulong ang perang iniwanan ng kanyang mama para makabili ng pagkain. At least, ngayon ay magtutungo siya ng school na may laman ang tiyan. Hindi katulad noon na papasok siyang kumakalam ang tiyan at umaasa sa monay na dala ni Monay.
Nagbihis siya ng uniporme. Malinis ang kanyang uniporme sapagkat nilabhan niya at pinlantsa.
Umalis siya dakong 6:30 para maagang makausap ang kanyang adviser. Maaga kung pumasok ang kanilang adviser. At sana maaga ring dumating si Monay para masamahan siya sa adviser.
Parang dininig ang panalangin niya sapagkat pagdating niya sa school, nakita niya si Monay sa may gate. Maaga pa rin itong pumapasok. At parang may hinihintay.
“Monay!’’ tawag niya.
Biglang lumingon si Monay. Nang makita siya ay lumarawan ang kasiyahan.
“Joem!’’’
“Mabuti at maaga ka rin Monay.’’
‘‘Anong nangyari sa iyo Joem? Bakit ngayon ka lang nagpakita?’’
“Namatay ang mama ko Monay.’’
Hindi nakapagsalita si Monay. Sandaling nanahimik. Nalungkot.
“Kailan?’’
“Isang linggo na ang nakararaan. Kalilibing lang niya, Monay.’’
“Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin?’’
“Hindi ko na nagawa dahil sa sobrang pagka-shock sa nangyari.’’
Lalo nang nalungkot ang ekspresyon ng mukha ni Monay.
“Halika nga roon sa bench at doon tayo mag-usap. Matagal pa naman bago mag-bell.’’
Tinungo nila ang bench.
“Anong nangyari sa mama mo Joem?’’
Sinabi ni Joem ang mga nangyari sa kanyang mama.
“Nasaan na ang pumatay?’’
“Patay na rin. Binaril ng pulis.’’
“Paano ka ngayon?’’
“Nag-iisa. Kaya ko namang mabuhay mag-isa.’’
(Itutuloy)
- Latest