Monay (9)
ALAS sais pa lang ng umaga ay umalis na ng bahay si Joem para pumasok sa school. Lagi niyang inaagahan ang gising para hindi niya makasabay sa paggamit ng kubeta ang demonyong si Mauro. Ayaw na niyang maulit ang nangyari.
Minsan kasi na gumagamit siya ng kubeta, pinagmadali siya ng demonyo dahil “aabutan” na raw. Halos wasakin na nito ang pinto ng kubeta sa pagbayo at pagsipa.
Napilitan siyang lumabas kahit hindi pa tapos sa paliligo. Muntik pa siyang suntukin ng demonyo!
Kaya mula noon, maaga siyang gumagamit ng kubeta at mabilisan din lang ang paggamit niya dahil baka abutan na naman siya ng demonyo.
At hindi na siya kumakain ng agahan dahil din sa demonyo. Isa pa, wala naman talagang kakainin para sa almusal. Mula nang makasama nila ang demonyo sa bahay, ang pagkain ng almusal ay hindi na sumilip dahil sa kawalan ng ibibili. At kung magpapatuloy ang kasamaan ng demonyo, maaaring pati tanghalian at hapunan ay hindi na rin sumilip.
Kaya nga ang parati niyang dasal ay mamatay na ang demonyo! Kinasasabikan niya ang araw na pagkawala sa mundo ng demonyo!
Wala pang gaanong estudyante sa school nang dumating siya. Sa may gate siya tumambay – dun sa puwesto na lagi silang naghihintayan ni Monay.
Nakaramdam siya nang pagkalam ng sikmura. Nagugutom na siya. Tinanaw niya ang malaking relo ng school – 6:30 pa lamang. Kung dumating si Monay ay 6:45. Kinse minutos pa siyang maghihintay. Naidasal niyang sana ay dumating na ito para makakain na siya ng monay.
Pero paano kung wala itong dalang monay. Hindi naman nito alam kung papasok siya ngayon. Baka ilang araw nang nagdadala ng monay pero wala siya.
Huminga nang malalim si Joem. Patuloy na umaantak ang tiyan niya.
Nang sumulyap siya malaking relo ay 6:35 na. Sana dumating na si Monay.
Dininig ang kanyang dasal sapagkat natanaw niya ang paparating na si Monay.
Sa wakas, makakakain din siya!
Nang makalapit si Monay, ito agad ang nagtanong.
“Anong nangyari, Joem?’’
Ipinakita niya ang nangingitim pang pasa sa pisngi.
“Sinapak ako ng demonyo!’’
Sa ekspresyon ng mukha ni Monay, halatang naaawa sa kanya. Saka may dinukot sa bag. Iniabot sa kanya.
“Eto ang monay, kumain ka muna.’’ (Itutuloy)
- Latest