_ngayon
^

Kailan kaya?

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - May 18, 2021 - 12:00am

Balik GCQ na ang NCR Plus itong Mayo 15, batay sa rekomendasyon ng IATF-EID. Papayagan na ang ilang kainan na magbukas pero hanggang dalawampung porsyentong kapasidad ng nais kumain sa loob ng kanilang establisim­yento habang limampung porsyento kung may kainan sa labas­. Sarado pa rin ang mga sinehan, videoke, bars at mga kaparehong establisimyento na may indoor na pasilidad. Hindi pa rin puwede ang mga miting, conference o exhibits.

Sa madaling salita, mga aktibidad na nagaganap sa labas ng tahanan o gusali ang mas papayagan pero hindi pa rin isangdaang porsyento. Kung nais malaman kung ano ang puwede mong gawin itong GCQ, hanapin na lang sa internet kung hindi nakinig sa balita.

Pero may magandang payo naman si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar. Huwag maging kampante. Mag-ingat pa rin. Magsuot ng face mask at face shield ng tama, maghugas ng kamay at mag-social distancing pa rin. Hindi raw alam ng COVID-19 ang pagkakaiba ng ECQ, MECQ, GCQ o kung ano pang klasipikasyon diyan. Tama. Ang alam lang ng COVID ay kung sino ang puwedeng dapuan.

Kung ganyang GCQ na at dumami na naman ang mga kaso, baka bumalik lang tayo sa mahigpit na quarantine at paikut-ikot na lang. Nasa atin na talaga lalo na’t ilang por­syento lamang ng populasyon ng bansa ang nababa­kunahan. Ayon sa ourworldindata.org/covid-vaccinations, 1.85% lang ng populasyon ng bansa ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna.

Ito na rin ang dahilan kung bakit nadidismaya si Manila­ Mayor Isko Moreno sa napakabagal na pagbigay ng pama­halaan ng bakuna sa mga siyudad kung ang nais nga ay makabalik na sa normal na buhay. May dumating na dalawang milyong doses ng AstraZeneca mula COVAX noong isang linggo. May dumating naman na kalahating milyong doses ng Sinovac noong Abril 22 na binili ng gobyerno. Kaya nasaan daw?

Sa Amerika naman, inanunsyo ng kanilang Center for Disease Control (CDC) na kung kumpleto na ng bakuna, puwedeng hindi na magsuot ng face mask kahit saan. Tandaan, mga kumpleto lang ng bakuna ang puwedeng hindi na magsuot. Ikinatuwa naman ito ng mga Amerikano, lalo na ang mga napipilitan lang magsuot ng face mask.

Ang mahirap lang ay hindi naman alam kung sino ang kumpleto na ang bakuna, maliban na lang kung dala-dala ang card. Ang sa akin, kung may ayaw pa rin magsuot ng face mask at ayaw ding magpabakuna, eh sila-sila na lang siguro ang magkakasakit kung protektado ka na. Kailan kaya mangyayari ang ganyang sitwasyon sa bansa?

COVID-19 GCQ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with