Ang Babae sa Silong (101)
Naupo sa natumbang puno ng mangga sina Dads at Gab. Malamig ang simoy ng hangin na may samyo ng nahihinog na palay sa ‘di-kalayuan sa kanila.
“Bakit hindi ka nakasagot kay Mama kanina, Dads? Narinig ko ang pinag-usapan n’yo kanina. Bakit hindi mo raw ako ligawan.’’
Tumingin lang si Dado kay Gab.
“Bakit hindi ka nakasagot kay Mama, Dads?’’
“Hindi ko kasi inaasahan na sasabihin niya ‘yun.’’
“Akala ni Mama, nililigawan mo ako. Sabagay, nung una kang nakarating dito, akala ni Mama, magsiyota tayo. Parang hindi siya makapaniwala na magkaibigan lang tayo.’’
‘‘Ganun pala kaprangka ang mama mo. Nagulat talaga ako.’’
“Hindi na naman na-turn off sa kanya Dads?’’
‘‘Hindi.’’
‘‘Akala ko kaya ka hindi nakasagot e dahil sa na-turn off ka.’’
“Hindi. Nababaitan nga ako sa mama mo. Naalala ko tuloy ang mama ko noong nabubuhay pa.’’
‘‘Talaga?’’
‘‘Ganyan din kasi si Mama, malumanay kung magsalita. Kaya nga naiinggit ako sa mga mayroon pang ina.’’
Tinitigan siya ni Gab.
Nang magsalita ito ay may bahagyang garalgal sa boses.
‘‘Kaya nga dasal ako nang dasal na bigyan pa ng Diyos nang mahabang buhay si Mama. Kapag nawala siya, masasaktan ako. Kaya nga gagawin ko lahat para maisalba at madagdagan ang buhay niya. Kahit nga magkabaun-baon ako sa utang sa’yo Dads.’’
Si Dado naman ang nakatitig kay Gab. Mahal na mahal nga ni Gab ang mama nito.
“Narinig ko rin ang sinabi ni Mama na hahaba ang buhay niya kung tayong dalawa ang makikita niyang nagkatuluyan, Dads.’’
“Oo nga. Nalilito tuloy ako ngayon Gab.’’
“Bakit Dads?’’
“Naguguluhan din ako…’’
Kinabahan si Gab sa mga sinabi ni Dado.
(Itutuloy)
- Latest