Ang Babae sa Silong (96)
Tamang-tama na last trip na ang bus na inabutan nina Gab at Dado sa terminal dakong alas siyete ng gabi. Kung naatrasado pa sila, alas kuwatro na ng madaling araw sila makakauwi.
Habang tumatakbo ang bus ay tahimik si Gab. Halatang alalang-alala sa mama nito. At laging tinitingnan ang cell phone kung may bagong text mula sa kanyang Auntie Mona. Si Auntie Mona ang matandang dalagang kapatid ng kanyang mama.
“Saang ospital daw naroon ang mama mo Gab?’’
“Sa provincial hospital, Dads. Malapit lang sa terminal nitong bus na sinasakyan natin.’’’
‘‘Ano na ang lagay ng mama mo?’’
“Hindi pa sumasagot si Auntie. Kaya nga ako nag-aalala, Dads. Kaninang tumawag e nasa ER.’’
‘‘Huwag kang mag-worry. Wala namang magagawa kung mag-worry ka. Basta isipin mo na lang na ligtas ang mama mo.’’
Napabuntunghininga si Gab.
‘‘Anong oras ba dinala sa ospital?’’
‘‘Alas singko raw.’’
‘‘Anong nangyari?’’
“Bigla raw natumba habang nasa kusina at nagsasaing. Mabuti at dumating agad si Auntie at nadala sa ospital.’’
“Ano kayang nangyari?’’
“Hindi ko nga alam, Dads.’’
“Relaks lang. Pagdating natin dun, stable na ang lagay niya.’’
Napahawak si Gab sa palad ni Dado. Hinayaan ni Dado. Ang init ng palad ay nakakatulong para marelaks ang isipan.
Eksakong alas nuwebe ay nasa probinsiya na sila. Ilang kanto lang mula sa bus terminal ay provincial hospital na.
Nagmamadali silang nagtungo sa information para itanong kung nasa ER pa ang pasyente. Inilipat na sa room. Sinabi ang room number. Tinungo nila.
Natutulog ang mama ni Gab nang dumating sila. Mukhang maayos na ang lagay.
‘‘Ano ang lagay ni Mama, Auntie Mona?’’
‘‘Medyo okey na.’’
‘‘Ano pong sabi ng doktor?’’
“Mild stroke daw.’’
Napaiyak si Gab. Inalalayan ito ni Dado. (Itutuloy)
- Latest