^

True Confessions

Ang Babae sa Silong (62)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

PINAHID ni Gab ng da­liri ang luhang umagos sa pisngi. Mabilis namang nadampot ni Dado ang box ng tissue paper na nasa center table at iniabot kay Gab.

“Salamat,” sabi ni Gab at kumuha ng tissue at ipinahid sa luhang nasa pisngi pagkatapos ay nakangi­ting tumingin kay Dado at nagsalita, “mababaw ang luha ko, puwedeng artista.’’

“Napapaiyak nga rin ako sa mga kinuwento mo, Gab. Pero okey ‘yang nilalabas mo ang mga kinikimkim mo. Baka magkasakit ka pa sa puso kapag hindi mo inilabas.’’

“Oo nga. Mabuti na lang at nagkasama tayo sa apartment na ito. Kung hindi kita nakasama, sino kaya ang paghihingahan ko ng sama ng loob.’’

“Gagawa ang Diyos ng paraan.’’

“Sabagay. Pero minsan, tinatanong ko rin ang Diyos kung bakit nangyayari sa amin ito. Hindi ko naman sinisisi ang Diyos. Basta naitatanong ko lang.’’

“Sasagutin ka rin ng Diyos, Gab.’’

“Baka ikaw ang kasagutan Niya sa akin, Dado. Baka ikaw ang makakatulong sa akin.’’

“Handa naman kitang tulu­ngan. Basta makakaya ko, no problem.’’

“Salamat Dado.’’

“Ituloy mo nga ang mga ikinukuwento mo.’’

“Nasaan na ba ako, Dado?’’

“’Yung part na nagbalik ang Papa mo at sinabing iniwan na siya ng kabit niya at nagpapaampon sa iyo…’’

“Ah oo. Okey na sana kaming tatlong magkapatid­ dito sa Maynila at nakaka­raos kahit paano. Si Mama ay okey na rin ang katawan. Umuuwi ako buwan-buwan para dalhan ng pera. Pero nagulat nga ako nang sumulpot si Papa at sinabing iniwan na siya ng kabit niya. Wala na siyang pinagkakakitaan. Naubos na ang pinagbentahan sa bahay at lupa namin sa Legarda. Hindi na makapagtrabaho dahil senior na nga siya. Kung puwede raw ay sa aming magkakapatid siya tumira. Noon ay nangungupahan kami ng mga kapatid ko sa isang apartment sa Extremadura. Gusto kong sigawan si Papa dahil sa sobrang inis o galit. Pero nagtimpi pa rin ako. Kahit paano, ama ko pa rin siya. Kahit bali-baliktarin ko ang mundo, tatay ko pa rin siya. At saka sino ang kukupkop e matanda na?

“E ‘di isinama namin siya sa tirahan. Pero talagang mahirap kasama sa bahay si Papa. Maraming­ reklamo. Kapag hindi nabig­yan ng pera, nagmumura. Pati mga kapatid kong lalaki, suko sa ugali niya. Hanggang sa ipasya kong magsolo ng tirahan – dito na nga sa apartment na ito. Gusto ko e makalaya naman sa kanila kahit paano. Isa pa, sikip kami sa tirahan. Pero hanggang dito, e nakabun­tot pa rin sila sa akin – lalo si Papa.’’  (Itutuloy)

vuukle comment

TRUE CONFESSION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with