
Ang Babae sa Silong (59)
“Marami akong iniintindi sa buhay, Dado. Parang hindi ko na kaya. Nagsasawa na ako,’’ sabi ni Gab sa mahinang boses na tila ayaw pang ibulalas ang nasa dibdib.
Hindi makapagsalita si Dado. Nanatiling nakatingin kay Gab. Naglalabas na ng mga sama ng loob si Gab? Ito kaya ang dahilan kaya sinabi nito noon na makikipagkuwentuhan sa kanya isang araw? Gusto nitong may paghingahan ng mga kinikimkim? Pero bakit sa kanya? Bakit hindi sa matagal na niyang kakilala?
“Nagtataka ka siguro Dado kung bakit sa’yo ako naglalabas ng mga sama ng loob o frustrations? Pasensiya ka na. Wala kasi akong alam na mapaghihingahan kundi ikaw. Nakita ko kasi sa katauhan mo na handa kang tumulong sa mga nagigipit o nahihirapan. Napatunayan ko dahil minsan mo na akong natulungan nun nang awayin ako ng taxi driver. Kaya ngayon, eto at naglalabas ako ng mga sama ng loob. Pasensiya na.’’
“Okey lang Gab. Salamat naman at malaki ang tiwala mo sa akin. Isang malaking karangalan na ang katulad ko ay pinagkakatiwalaan. Handa naman talaga akong tumulong sa kapwa kahit sino pa siya o kahit nun lang kami nagkita.’’
“Hindi talaga ako nagkamali sa paglapit sa’yo, Dado. Kahit kailan ay maaasahan ka. Kaya ngayon pa lang ay napapayapa na ang kalooban ko. Nakakadama na ako ng gaan sa dibdib.’’
“Mukhang may dinadala kang problema sa himig ng pananalita mo. Ano ba ‘yun at baka may alam akong solusyon.’’
Huminga muna nang malalim si Gab.
Ibinaling ang paningin sa ibang dako.
Saka muling nagsalita.
“Gaya nang nasabi ko kanina, marami akong intindihin sa buhay. Naatang sa akin ang mga responsibilidad na hindi naman ako ang dapat magpasan. Kaya naiinggit ako sa’yo Dado dahil sa tingin ko e wala kang problema. Kasi’y parang prenteng-prente ka, Dado.’’
“Mayroon din akong mga isipin at alalahanin, Gab pero magaan lang naman. Pero ang totoo, maligaya ako sa buhay na nag-iisa. Gusto ko ba e ‘yung walang responsibilidad. Gusto ko, solong katawan lang na walang iniintinding kung anu-ano.’’
“Ganyan din ang gusto kong buhay, Dado. Pero hindi puwede dahil maraming nagdedepende sa akin. Kapag hindi ako kumilos, hindi sila kakain…’’
Nahiwagaan si Dado. Ano kaya ang ibig sabihin ni Gab? Bakit kaya siya ang pumapasan ng responsibilidad? (Itutuloy)
- Latest