^

True Confessions

Ang Babae sa Silong (46)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

Hinintay ni Dado na pumasok muli sa room niya si Gab pero laging labas-masok lang ito. May kinukuha lang sa bag niya at saka lalabas na agad. Si Gab lang ang pumapasok. Inaabangan ni Dado kung papasok sa room ang sinasabing bisita pero wala siyang nakita.

Hanggang ipasya ni Dado na ihinto muna ang pagsilip. Tumayo siya mula sa pagkakadapa at tinungo ang kitchen para maghanda nang kakainin sa tanghalian. Nagsaing siya. Habang nakasalang ang sinaing, naggayat siya nang maraming kamatis at sibuyas. Pinili niya ang mga kamatis na berde. Nang magayat ang mga kamatis at sibuyas, binalatan niya ang tatlong itlog na maalat na ibinigay ni Gab. Ang ganda ng itlog na maalat. Nagmamantika ang yolk. Mukhang masarap. Hini-wa-hiwa niya ang itlog.

Pagkatapos ay inihalo niya ang hiniwang kamatis at sibuyas. Ang sarap ng amoy. Mukhang bagumbago ang itlog. Saan kayang probinsiya galing si Gab at may itlog na maalat. Ang alam niyang lugar na masarap ang itlog na maalat ay sa Victoria, Laguna. Tagaroon siguro si Gab. Sabi kasi niya ay galing siya sa probinsiya. Kaya nga siya nagtaksi ay dahil marami siyang bagahe. May dala siyang kalahating sakong bigas at iba pang nasa bag. Isa nga itong itlog na maalat sa mga dala niya.

Tamang-tamang natapos paghaluin ni Dado ang itlog, kamatis at sibuyas ay naluto na ang sinaing. Lalo siyang nagutom nang ma-langhap ang nalulutong kanin.

Maya-maya, nagsandok na ng kanin si Dado. Umuusok ang kanin.

Kumain siya. Nagkamay siya. Ito lang ang maganda sa nagsosolong namumuhay, puwedeng gawin ang kahit ano – kahit magkamay sa pagkain na ang ulam ay itlog.

Napakasarap ng itlog na maalat. Tamang-tama sa malutong na hiwa-hiwang kamatis at sibuyas. Ngayon lang siya nasarapan sa itlog na maalat.

Solb ang tanghalian niya.

Pagkatapos kumain ay natulog siya.

Masarap ang tulog niya. Nagising siya ng alas siyete ng gabi.

Ipinasya niyang sumilip sa butas. Baka mayroon na siyang makuhang kasagutan sa mga tanong niya.

Pero wala siyang nakita dahil madilim. Patay ang ilaw. Maaaring natutulog na si Gab o umalis ng bahay.

Itinigil na niya ang paninilip.

Kinabukasan na papasok siya sa opis, hindi niya akalaing makakasabay sa jeepney si Gab. Katabi niya ito. Ipinagbayad niya.

“Salamat Dado. Dalawang beses mo na akong nililibre, sa sunod ako naman.’’

“Wala ‘yun, Gab.’’

“Siyanga pala masarap ba ang itlog na maalat?’’

“Masarap! Tamang-tama sa kamatis at sibu­yas!’’ (Itutuloy)

vuukle comment

DADO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with