^

Ang Babae sa Silong (11)

Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - January 17, 2021 - 12:00am

Nginitian ni Dado si Gab. Pahiwatig na nakikipagkaibigan at nakiki-pagkilala.

Pero sa halip na gantihan ang kanyang ngiti, binilisan nito ang paglalakad at agarang sinusian ang pinto at nang mabuksan ay agad na pumasok.

Parang takot na takot!

Bakit kaya?

Nag-isip si Dado. Hindi naman nakakatakot ang itsura niya. Hindi naman siya mukhang nambabastos ng babae at gusto pa nga niyang maki-pagkaibigan.

Ano ka-yang dahilan at nagmama­daling pumasok ang babaing iyon? Sabi naman ni Manang Oya ay mabait naman daw. Pero bakit sa kanya ay tila mailap na hayop.

Nginitian na nga niya para makipagkaibigan pero ang isinukli sa kanya ay kasupladahan.

Gustong magtawa ni Dado habang naglalakad patungong sakayan ng dyipni sa Espana Blvd kapag naaalaa ang ginawa ng babae – ni Gab na dali-daling sinusian ang pinto at nagmamadaling pumasok. Parang takot na takot sa kanya, ha-ha-ha!

Maski nang nasa dyip na ay ang katawa-tawa pa ring sitwasyon ang naaalala niya. Ngayon lang siya naka-encounter ng babaing para bang mailap o naiilang sa lalaki.

Maganda pa naman si Gab. Naka-shorts ito at halatang makinis.

Bakit kaya sinusian pa ang kuwarto kanina e bumili lang ng pandesal? Ibig sabihin ay wala itong kasama sa inuupang kuwarto. Kung may kasama, hindi na kailangang magdala ng susi. O baka naman natutulog ang kasama at ayaw nang magambala.

Baka nga.

Araw-araw kayang bumibili ng pandesal ang babaing ‘yun? Pero ngayon lang niya natiyempuhan na bumili. Baka naman maaga pa lang ay bumibili na kaya hindi niya natitiyempuhan. Baka kanina e naatrasado ng gising kaya niya natiyempuhan. Siguro nga.

Nag-isip si Dado. Bukas kaya e bumili siya ng pandesal? Baka sakaling matiyempuhan niya ang babae?

Napangiti si Dado. Pu­wede ang naisip niya. Tingnan niya kung matatakot pa sa kanya ang babae kapag nagkita sila sa pandesalan.

Tingnan niya kung makakapagsuplada pa ito sa kanya.

Kinabukasan, pasado alas singko ng umaga ay bumangon na si Dado para bumili ng pandesal. Matagal na rin naman siyang hindi nakakapandesal kaya okey lang na bumili siya ngayon.

At baka nga matiyem-puhan niya ang “supladang” si Gab. (Itutuloy)

BABAE SILONG
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with