
Alupihan (184)
“SIYANGA pala Kuya, kung kailangan mo ng face mask meron ako. Kailangan natin ‘yan kapag lalabas ng bahay para proteksiyon sa COVID,’’ sabi ni Hani.
“Bakit marami kang mask?’’
“Ang kompanya namin ay distributor ng face mask at face shield.’’
“Ganun ba? Bibili ako. Dadamihan ko na ang bili at baka magkaubusan.’’
“Sige Kuya. Bukas ay papasok pa naman ako at sa mga susunod na araw ay work from home na ako.’’
“Mabuti ngang narito ka lagi sa bahay Hani. Malungkot kapag nag-iisa ako rito.’’
‘‘Kasi’y nasanay kang marami tayo rito Kuya. Biruin mo, limang tao ang nawala rito.’’
“Oo nga. Biglang nawala lahat. Ikaw lang ang natirang boarder.’’
“Hindi ko akalaing magkakaganito rito Kuya. Talagang biglang-bigla ang pangyayari ano?’’
“Kapag naiisip ko ang ginawa ni Gretchen, kinikilabutan ako. Ikaw Hani, nakakadama ka ba ng ganun?’’
“Minsan Kuya. Ang hindi ko malimutan ay nung tutukan ako ng patalim ng magnanakaw. Hindi ko alam kung paano ko nagawang labanan ang magnanakaw hanggang makawala sa kanya.’’
“Humanga nga ako sa’yo. Kitang-kita ko kung paano mo ginamitan ng elbow ang magnanakaw. Ang lakas ng pagkakasiko mo sa sikmura. Biglang napaupo ang magnanakaw!’’
“Naalala ko kasi Kuya na ang siko natin pala ang pinakamatigas na parte ng katawan. Kayang mabasag ang mukha kapag ginamit ito.’’
“Oo nga. Kung hindi mo pa ginamit sa magnanakaw hindi ko malalaman.’’
“Hindi ko alam kung paano nagawa ‘yun Kuya.’’
“Basta hangang-hanga ako sa’yo Hani. Ang tapang at ang galing mo!’’
“Salamat Kuya.’’
KINABUKASAN, nagpaalam na si Hani para pumasok sa opisina at para rin kunin ang inorder na face mask ni Cris.
‘‘Aalis na ako Kuya. Mamaya dala ko na ang face masks na inorder mo.’’
‘‘Damihan mo na at baka magkaubusan. Magbibigay na ba ako ng pera na pambayad?’’
“Hindi Kuya. Mamaya na lang.’’
‘‘Sige Hani. Siyanga pala, bumili ka na rin ng alcohol.’’’
‘‘Sige Kuya, babay!’’
‘‘Babay, Hani.’’
Napagmasdan ni Cris na bagay kay Hani ang may face mask. (Itutuloy)
- Latest