Alupihan (16)
Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - March 19, 2020 - 12:00am

Pinagmasdan ni Cris ang naka-frame na picture ng asawang si Maya. Nakangiti ito sa kanya. Parang buhay na buhay ang mahal na asawa. Parang kailan lang ay masaya silang magkasama at punumpuno ng pangarap. Marami silang pinaplano sa buhay.

Noong nasa high school pa sila, madalas na nilang sinasabi sa isa’t isa na walang iwanan. Sila ang magkakasama habambuhay at walang magbabago kahit ano pa ang mangyari. Forever na sila ang magkakasama.

Kahit pa nga mga bata pa sila ay napag-uusapan na nila kung ilan ang magiging anak at pati mga pangalan ng mga ito ay pinag-uusapan na nila. Si Maya kasi ang nagsasabi na gusto niya ay tatlong anak – dalawang lalaki at isang babae. Siya naman ay payag lang nang payag sa mga gusto ni Maya. Biru-biruan lang naman iyon. At kapag natapos na sa pinag-uusapang iyon, sabay silang magtatawa­nan. Punumpuno ng buhay ang kanilang mga halakhak.

Madalas ay sa isang park na nasa loob ng isang mall sila nagtutungo ni Maya. Malapit lang din kasi ang mall sa kanilang school. Ganunman, kahit na seryoso ang kanilang pagmamahalan, hindi nila kinalilimutan ang pag-aaral. Sa katuna­yan, pareho silang nagtapos na may karangalan sa high school.

Sa iisang unibersidad din sila pumasok noong nasa kolehiyo. Magkaiba nga lang ng course. Pagkatapos ng klase niya, da­daanan niya si Maya sa building nito at sabay na silang uuwi. Kapag may oras pa, kumakain sila sa fastfood na malapit sa unibersidad. Kanya-kanya silang bayad. Ayaw ni Maya na ililibre siya. Saka na lang daw siya magpapalibre kapag may kanya-kanya na silang trabaho at hindi umaasa sa mga magulang.

Hanggang makatapos sila sa pag-aaral at makakuha kapwa nang magandang trabaho. Hanggang sa ipasya nilang magpakasal.

Masayang-masaya silang dalawa sapagkat natupad din ang kanilang pa­ngarap na magkasama na nang lubusan. Maipagpapatuloy na nila ang pagbuo ng mga pangarap at pagkakaroon ng mga anak.

Sa parteng iyon, huminga nang malalim si Cris.

Hindi nangyari ang gusto ni Maya sapagkat may deperensiya siya. Hindi maaaring manganak.

At ang masakit pa, nagkaroon ito ng kanser at iniwan siya ng babaing pinakamamahal. Masakit na masakit ang nangyari na noong una ay hindi niya matanggap. Gusto na rin niyang mamatay.

Huminga pa nang malalim si Cris.

Limang taon na pala ang nakalilipas mula nang mawala si Maya.

At matibay pa rin ang kanyang pangako rito na hindi ito papalitan. Mahal na mahal kita. Forever ang pagmamahal ko sa’yo.’’

Isinabit ni Cris ang picture ni Maya sa dingding katabi ng kanilang wedding picture. (Itutuloy)

ALUPIHAN (16)
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with