Ahas sa Garden (310)
Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - November 8, 2019 - 12:00am

GABI. Nagbihis si Brenda. Buo na ang pasya niya na maghanap ng pera. Kakalakakalin na niya ang katawan. Iyon na lamang ang alam niyang paraan para kumita at nang may maibili siya ng pagkain. Kung hindi niya ito gagawin, mamamatay siyang dilat ang mga mata. Kaysa mamalimos siya, katawan niya ang gagamitin. Mayroon pa namang papatol sa kanya kahit may edad na siya. Sexy pa naman siya.

Sa eskinitang malapit sa casino na laging pinag­lalaruan siya nagtungo. Nalaman niya noon kay Jambo na ang paligid ng casino ay “bentahan” din ng laman. Pugad din iyon ng mga pokpok. Kadala­sang mga customer din ng casino ang mga naghaha­nap ng bayarang babae. Sabi ni Jambo, ilang beses na rin siyang nakabili ng “por kilo” sa lugar na iyon. Kung susuwertihin siya at makita sa lugar na iyon si Jambo, e ‘di mas maganda, hindi na siya maghahanap sa tumangay ng pera niya. Magtutuos sila kapag nagkataon.

Bahagyang madilim ang lugar na tinungo niya. Halos tanaw mula sa kinalalagyan niya ang nagniningas na pangalan ng casino na madalas niyang puntahan. Malapit nga lang pala ang casino. Kapag sinuwerte siyang kumita sa “paglalako ng laman”, puwede pa siyang mag-casino. Puwedeng-puwede!

Sumandal siya sa haligi ng gusali. Nakiramdam siya sa paligid. May nakita siyang babae sa di-kalayuan sa kanya. Maikli rin ang suot na palda na katulad nang sa kanya. Katulad din niyang “nagtitinda ng laman”. Sa dako doon, isa pang “tindera” ang na­mataan niya. Dito nga ang “daigdig ng mga tindera ng laman”. Tama si Jambo na ito nga ang “lugar ng putahan”.

Kailan kaya may lalapit sa kanya para “bumili” ng “laman”? O alukin na niya ang mga lalapit?

Maya-maya, may isang lalaking patungo na sa direksiyon niya. Ito na ma­rahil ang bibili ng tinda niyang karne.

Humanda si Brenda sa pakikipagtawaran o huwag na siyang magtaas. Basta kumita siya, okey na. Ka­ilangang kumita siya nga­yong gabi. (Itutuloy)

TRUE CONFESSION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with