Ahas sa Garden (304)
Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - November 2, 2019 - 12:00am

HABANG nag-iisip ng paraan kung paano kikita ng pera para huwag magutom, biglang naisip ni Brenda si Jambo. Naimadyin niya na nagpapasasa marahil sa ninakaw na pera si Jambo. Malaki ang nanakaw sa kanya at tiyak na nagpapakasawa sa paggastos ang hayop na si Jambo. At muli sinisi ang sarili kung bakit nagtiwala agad siya kay Jambo. Siya rin ang dapat sisihin kung bakit “naisahan” ng hayop. Naghangad din naman siya na mapeperahan si Jambo pero nabaliktad ang pangyayari sapagkat siya ang naisahan ng hayop at malaki pa ang nadagit sa kanya. Siya ngayon ang nagtitiis sa maliit at mainit na kuwartong ito samantalang si Jambo ay maaaring nasa malamig na kuwarto ng five star hotel o maaa-ring nasa ibang bansa at doon nagpapasarap. O maaari namang nasa casino na uli ito at mayroon na namang pinu-prospect na babaing talunan sa sugal. Ganun ang modus ni Jambo, lalapitan ang mga talunang babae sa sugal at ooperan ng pera para may pangsugal uli. Siyempre, ang talunan ay gustong makabawi kaya “kakapit sa patalim”. Katulad niya, “kumapit siya sa patalim” at huli na nang malaman niya ang tunay na pagkatao ni Jambo. Hayop pala si Jambo!

Hindi lamang siya ninakawan ni Jambo kundi binugbog pa. Muntik pa siyang patayin. Pero sana, pinatay na siya ni Jambo. Malaking pagkakamali ang ginawa ni Jambo na hindi siya pinatay sapagkat binigyan siya ng pagkakataon na makaganti.

Hindi niya makakalimutan ang ginawa ni Jambo at ipinangako niya na gaganti rito kahit ano ang mangyari. Papatayin niya si Jambo.

Pero bago niya hana­pin si Jambo, kailangang makita muna niya si Alexis. Si Alexis lamang ang makakatulong sa kanya. Lahat nang iniuutos niya ay sinusunod ni Alexis.

Bukas, sisimulan na niya ang paghahanap kay Alexis. Bahala na kung saan siya dalhin ng mga paa.

ISANG araw, lumuwas ng Maynila si Alexis. Makikipag-meeting siya sa top executive ng casino para sa pagsu-supply niya ng organic vegetables at mga prutas. Ito ang ikalawang opisyal ng casino na naka-deal niya. Palawak nang palawak ang kanyang negosyo na pati mga casino ay napasok na rin niya.

Usapan nila ng casino official ay alas nuwebe ng umaga sila magmi-meet. Eksakto ang dating niya sapagkat 8:30 lamang ng umaga. (Itutuloy)

TRUE CONFESSION
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with