Ahas sa garden (285)
ISANG umaga, nagtaka si Jambo nang hindi magisnan si Brenda sa tabi niya. Wala naman ito sa banyo dahil alam niya kapag may tao sa loob. Bumangon siya at sinilip ang maliit na kuwarto na kinaroroonan ng cabinet ng mga damit.
Nakita niya roon si Brenda na iniinspeksiyon ang pera sa maleta. Mukhang nagtataka si Brenda sa laman ng maleta. Mukhang nahahalata na nababawasan ang pera.
Nag-isip ng paraan si Jambo para hindi siya mapagbintangan ni Brenda. Kailangang mapaniwala niya ito. Kapag napaniwala niya, kailangang makagawa na siya ng paraan kung paano tuluyang uubusin ang pera. Pagnaubos saka niya lalayasan. Bago pa madiskubre ni Brenda na hindi naman talaga siya mapera, kailangang manakaw na niya ang pera nito. Paniwalang-paniwala si Brenda na ang ginagamit niyang Audi ay kanya. Hindi niya alam na pag-aari iyon ng babaing kinuwartahan din niya at maaaring hinahanap na siya para bawiin ang sasakyan. Laway lang ang puhunan niya kaya nagkakapera. Malaking bentahe rin ang pagiging simpatiko niya. Ang totoo wala siyang pera.
Suwerte lang na natiyempuhan niya si Brenda sa casino at malas naman nito ngayon dahil masisimot na ang pera sa maleta. Hindi na mabilang ang pinerahan niyang babae na lulong sa sugal.
Biglang nagbalik sa higaan si Jambo nang tawagin siya ni Brenda.
‘‘Jambo! Jambo!’’
Nagtulug-tulugan si Jambo.
Naramdaman niya ang paglapit ni Brenda.
(Itutuloy)
- Latest