^

True Confessions

Ahas sa garden (264)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

SUMUNOD na linggo, mabilis na nakaalis patungong Australia sina Sir Nath, anak na si Cindy at si Manang. Sabi ni Sir Nath, baka magtagal siya sa Australia. Gusto niyang makapiling ang dalawang anak na matagal niyang napabayaan dahil sa pagkahumaling kay Brenda. Gusto niyang masulit ang mga araw lalo at may edad na siya. Sabi naman ng anak na si Cindy, mas lalo silang magiging masaya sa Australia nga­yong sama-sama na silang mag-aama.

Nabanggit ni Sir Nath na nanghihina­yang siya sa ipinagbentang mansion pero sabi ni Cindy, huwag nang manghinayang o bali­kan pa ng alaala ang ari-ariang iyon. Ang nakalipas ay nakalipas na. Ang mahalaga ay ang kasalukuyan at kaila­ngang i-enjoy ang mga nalalabi pang buhay ng ama sa mundong ito.

Samantala, lulong na si Brenda sa pagka-ca­sino. Nananalo siya pero kinabukasan, talo uli. Unti-unti nang nauubos ang kanyang pera sa itim na maleta.

Mula naman nang ihatid siya ni Jambo sa hotel na tinutuluyan ay hindi na uli niya ito nakita sa casino na kanyang pinaglalaruan. Sabagay kahit naman hindi na niya makita ang taong iyon ay hindi na mahalaga sa kanya dahil lagi siyang nagdadala ng pera kapag nagka-casino. Hindi na siya mauubusan. Hindi na siya mangungutang kay Jambo. Nagkataon lang na kaya siya umutang kay Jambo ay dahil naubos nga ang baon niya pero ngayon, hindi na. Bukod doon, marami rin siyang baon na alahas.

Nang gabing iyon, ipi­nasya niyang sa ibang casino naman maglaro. Bakasakaling suwertihin siya kung sa ibang casino maglalaro.

Tinungo niya ang casino na pinaglaruan nila ni Nath noon na nasa Doroteo Jose. Natatan­daan niya, nanalo si Nath doon nang malaking ha­laga – milyones. Sunud-sunod ang panalo ni Nath doon. Susubukan niya ang casinong iyon at baka naroon ang kanyang suwerte.

Dakong alas tres ay nagtungo na siya sa casino. Kabisado na niya ang lugar na iyon dahil nga madalas sila ni Nath doon.

Maraming naglalaro. Mga lalaki at babae. Ki­nakati ang kanyang kamay. Palagay ni Brenda, susuwertihin siya.

Naglaro agad siya. Malakihan agad ang taya.

At tama ang kutob ni Brenda, suwerte siya sa araw na iyon. Maaga pa, namumutok na siya sa panalo.

Hanggang gabi, su­nud-sunod ang panalo niya. Napangiti si Brenda. Kapag hindi nagbago ang takbo ng hangin, mababawi na niya ang mga natalo sa kanya. Mapupuno muli ang kanyang itim na maleta ng sandamukal na pera.

Nagpatuloy siya sa paglalaro. Talagang may kakambal siyang suwerte ng gabing iyon dahil ilang beses pa siyang nanalo.

Hindi na talaga niya kailangan ang isang katulad ni Jambo dahil saganang-sagana siya sa pera.

Umuwi siya sa hotel na tinutuluyan na walang pagsidlan sa katuwaan. Bukas, ipagpapatuloy niya ang paghakot ng pera. Tiyak na may buntot pa ang suwerte.

(Itutuloy)

vuukle comment

AHAS SA GARDEN

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with