^

True Confessions

Usapang hiwalayan (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

DAHIL mainit ang usapin tungkol sa nakaambang Divorce Bill kaya ang tungkol dito ang tatalakayin muna sa kolum na ito ngayon.

Muling binubuhay at nakaambang maging batas na aaprubahan ng Kongreso ang divorce bill na halos parehas at walang pinag-iba sa mga unang panukala na ilang ulit na nilang ibinasura. Ang layunin daw ng batas na ito ay bigyan ng mas madaling paraan ang mag-asawa na maghiwalay lalo at hindi na sila makatiis sa pagiging kasal sa isa’t isa.

Mukhang talagang gustong sirain ng Kongreso ang ating lipunan sa pagpasa ng panukala tungkol sa diborsiyo kahit pa ayon sa ating Saligang Batas (Article XV, Section 1 and 2, Article XV, Section 2, Article II, Section 12) ay sagradong institusyon ang kasal at ang pamilya na dapat protektahan.

Sana, pakatandaan na may sapat na probisyon ang batas lalo ang Family Code para makawala sa isang kasal ang isang taong hindi na matiis ang kanyang sitwasyon. Mas madali siguro kung pag-aralan na lang ng ating mga mambabatas kung paano babaguhin o papadaliin ang mga probisyon para mapawalambisa ang kasal kaysa ang ipasok ang diborsiyo sa ating lipunan.

Hindi naman kailangan ang diborsiyo sa Pilipinas lalo at may mga nakalatag na batas para mapawalambisa ang kasal alinsunod sa Family Code. Masasabi pa nga na kinikilala na rin natin ang divorce sa Pilipinas pero sa tawag na “legal separation”.

Tinutuldukan na rin ng mag-asawa ang kanilang relasyon sa pamamagitan nito lalo kung (1) may paulit-ulit na pananakit na pisikal na ginagawa sa asawa o sa kanilang mga anak, (2) may karahasan o pamimilit para magpalit ng relihiyon o kaya ay ng politikal na alyansang kinabibilangan ang asawa, (3) may pamimilit para isadlak sa prostitusyon ang asawa o mga anak, (4) pagkukulong sa asawa sa loob ng mahigit anim na taon, (5) pagtatago ng pagiging adik o lasenggo, (6) pagtatago ng tunay na kasarian maging bakla man o lesbian, (7) pagpapakasal sa ikalawang ulit o higit pa na labag sa batas, (8) pagtataksil sa asawa o kababuyan (perversion), (9) tangkang pagpatay sa asawa at (10) pag-abandona sa asawa ng walang dahilan (Article 55 Family Code).

Ang pinagkaiba lang ng isinusulong na divorce bill ay talagang tuluyang hiwalayan o “absolute divorce” na raw ang gustong ipasa bilang batas sa Pilipinas. Pakatandaan na labag ito sa ating Saligang Batas at ang tanging kinikilalang absolute divorce sa Pilipinas ay ang paghihiwalay ng isang Pilipino sa asawa niyang foreigner, ayon sa Article 26 ng Family Code na isinabatas noong Agosto 3, 1988.

Lugi naman ang ating kababayan kung mananatili siyang kasal sa banyaga samantalang ang kanyang dating asawa ay puwedeng-puwede na magpakasal sa iba pagkatapos makakuha ng divorce sa kanyang bansa. (Itutuloy)

vuukle comment

DIVORCE BILL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with