Ahas sa Garden(224)
Ronnie M. Halos (Pilipino Star Ngayon) - August 14, 2019 - 12:00am

KINABUKASAN, kalat na kalat na sa buong subdibisyon ang nangyaring pag-raid sa mansion na dating pag-aari ni Sir Nath. Anim ang napatay at kasama roon ang dalawang Chinese na may-ari ng mansion. Napakaraming shabu ang nakita sa loob ng mansion na nagkaka­halaga umano ng bil­yong piso.

Ang mga shabu ay nakalagay umano sa magnetic lifter na galing pa ng China at idinaan pa mismo sa Bureau of Customs.

Matagal na uma­nong sinu-surveillance­ ng PDEA ang lugar at nang makakuha ng search warrant sa korte ay ikinasa na ang pagsalakay. Lumaban­ ang mga drug trafficker­ kaya nagkaroon ng pa­litan ng putok. Isang PDEA agent daw ang nasugatan sa isinagawang raid.

“Sabi ko na nga ba’t shabu ang laman ng magnetic lifter,” sabi ni Mau habang tinatanaw nila ng asawang si Ester ang mansion na patuloy pa ring hina­halughog ng PDEA sa droga. Pasado alas otso na ng umaga pero marami pa ring pulis at PDEA sa lugar.

“Tama yung napanood natin sa TV ano, Mau. Hindi kaya yung mga magnetic lifter ay kasamahan pa nun.’’

“Hindi! Matagal nang nangyari yun. Yung mga dinala diyan e bagong dating mula sa China.’’

“Pero bakit nakalusot sa Customs, Mau?’’

“Siyempre may ka­kutsabang korap sa Cus­toms.’’

“Ang laki siguro ng perang ibinigay sa taga-Customs ano, Mau?’’

“Tiyak yun!’’

“Mabuti naman at sinalakay na ‘yan. Wala tayong kamalay-malay na bodega pala ng shabu ang mansion na ‘yan.’’

“Matatahimik na ang subdibisyon na ito mula ngayon.’’

Napahinga si Ester at saka napailing na nag­salita. “Sayang na sayang ang mansion na ‘yan. Kaya pala bi­nili ng Chinese ay para gawing warehouse ng shabu. Kaya pala tinaasan ng pader ay para walang makapansin.’’

“Oo nga. Sayang na sayang ang mansion. Tingnan mo at puro tama ng bala ang pader!’’

“Ano kaya ang ma­sasabi ni Sir Nath kapag nalaman ang nangyari sa dating mansion.’’

“Wala nang masa­sabi yun dahil nakina­bang na siya. Ilang milyon daw ibinenta ‘yan?”

“Twenty million daw.’’

“Siguro pasarap-sarap na lang si Sir Nath at ang bitka niya.’’

Napaismid si Ester.

“Minalas ang bahay na ‘yan dahil dun sa babae ni Sir Nath.’’

Napangisi na lang si Mau.

“Mahilig kasi sa tsik yung matanda kaya ayan ang nangyari,” sabi nito at iniwan ang asawa habang na­katingin sa ulilang mansion.

Nanghihinayang si Ester sa mansion. Sa­yang talaga!

(Itutuloy)

AHAS SA GARDEN(224)
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with