Ahas sa Garden (15)
PASADO alas otso ng umaga nang magising si Brenda. Kapag ganitong wala si Nath ay maaga siyang nagigising. Wala siyang katabi. Nasanay na siyang katabi si Nath. Kung bakit kasi hindi siya nito isinama sa Baguio. Masama raw ang panahon at baka magka-landslides. Totoo kaya iyon? Bakit dito sa Metro Manila at maganda naman ang panahon. Maganda ang sikat ng araw. Baka niloloko lang siya ni Nath. Ayaw lang siyang pasamahin.
Bumangon siya. Tinatamad pa siya.
Lumakad siya patungo sa may bintana sa dakong kaliwa. Masarap tanawin sa bintana ang mga ibon na dumadapo sa malaking puno ng mangga na nasa likod ng mansion. Naaaliw siya sa huni ng mga ibon kung umaga.
Sumilip siya. Marami na ngang ibon sa mangga. Nagsisimula nang mamulaklak ang mangga kaya marahil walang tigil ang pagdapo ng mga ibon. Ang iba, sinisipsip ang nectar ng mga bulaklak. Sabi ni Nath, siya ang nagtanim ng manggang iyon – manggang kalabaw daw. Sabi, ang misis daw nito ang may gustong magkaroon ng punong mangga. Maganda raw kasing lagyan ng orchids ang puno ng mangga. Mamasa-masa raw ang puno ng mangga kaya madaling mabuhay dito ang orchids. Hindi niya alam ‘yun. Wala kasi siyang hilig sa pagtatanim ng mga halamang namumulaklak. Mas gusto pa niya ang mga ginugulay na halaman --- okra, talong, kalabasa, kamatis, ampalaya at kamote. Gusto niya ang bulanglang at pinakbet.
Nang magsawa sa bintana na natatanaw ang mangga, lumipat siya sa may dakong kanan.
Sumilip siya.
Nagulat siya dahil naroon si Alexis. Hubad ang pang-itaas at abala sa paghahanap sa gulayan. Ano kaya ang hinahanap nito. Pawisang-pawisan ito.
(Itutuloy)
- Latest