Sadiq (93)
PATULOY sa pagkukuwentuhan sina Sadiq at JayR. Kinumusta ni Sadiq ang mga dating kasamahan sa trabaho.
“Kumusta ang mga kasamahan natin diyan, JayR. Sina Pakito, nag-iinuman pa ba sila ng sadiki?’’
“A hindi na. Lagi na siyang nag-aattend ng Bible study kapag Biyernes. Wala nang umiinom dito at nagsusugal mula nang may mahuli ang mga motawa. Matitino na ang mga kasama natin.’’
“Mabuti naman.’’
“Kinukumusta ka nga ni Pakito. Kapag daw nagbakasyon siya ay pupuntahan ka niya.’’
“Aba sige. Ibigay mo address ko para magkuwentuhan kami.’’
“Marami na rin ang nag-finished contract Sadiq. Magnenegosyo na lang daw sila dahil nahihirapan na silang malayo sa pamilya. Lumalaki raw ang kanilang mga anak na hindi sila nakikilala.’’
“Talagang ganyan ang nararanasan ng mga nagsa-Saudi. Mahirap talaga ang malayo sa pamilya.’’
“Kaya mabuti nga at nandiyan ka na Sadiq. Nasusubaybayan mo ang mga anak mo. Tatlong babae sila ano?’’
“Oo. Mga dalaga na sila, JayR. Nagugulat ako dahil parang kailan lang e mga maliliit pero ngayon mga dalaga na.’’
“Magaganda at matatalino sila ano, Sadiq?’’
“Oo. Mana kasi sa ina, ha-ha-ha!”
Nagtawa rin si JayR.
Maya-maya nagpaalam na si JayR.
“Sige Sadiq, paalam na. Ipagpatuloy mo ang food business at magpa-franchise ako. Pagnagsawa ako rito sa Riyadh, uuwi na ako riyan.’’
“Sige JayR. Salamat sa pagtawag.”
MAKALIPAS ang isang linggo, tapos na ang food stall. Maganda. Kaakit-akit ang kulay. Malinis. Pangalan na lang nito ang pag-iisipan ni Sadiq.
Kailangang makaisip siya ng pangalan na tatatak sa isipan ng kostumer.
(Itutuloy)
- Latest